Dinampot ng mga awtoridad ang isang obispo at isang kasama nito matapos umano silang maaktuhang gumagamit ng ilegal na droga sa Barangay Alima, Bacoor City, Cavite, nitong Huwebes ng hapon.
Kinilala ng Bacoor City Police ang mga naaresto na sina Richard Alcantara, 38, obispo ng Sacred Order of Saint Michael (SOSM), may asawa, ng Bgy. Sineguelasan, Bacoor; at Perlito Alibay, 52, may asawa, mangingisda, ng Tabing-Dagat, Bgy. Alima, Bacoor.
Nauna rito, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Bacoor City Police, kasama ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ng Cavite at Region 4-A, laban kay Fernando Dacuma, sa Tagumpay Compound, dakong 5:00 ng hapon.
Gayunman, nakatakas si Dacuma sa arresting team.
Kasabay nito, naaktuhan umano ng mga awtoridad sa lugar sina Alcantara at Alibay habang bumabatak ng shabu, kaya inaresto ang mga ito.
Habang isinasailalim sa interogasyon, natuklasan ng mga awtoridad na si Alcantara ay obispo ng SOSM, na hindi saklaw ng Simbahang Katoliko.
Rommel P. Tabbad