SA bisperas ng World Economic Forum (WEF), na idinadaos tuwing Enero sa Davos, Switzerland upang talakayin ang pinakamalalaking isyu sa mundo na nakaaapekto sa paglago ng ekonomiya, nag-isyu ng report ang international activist organization na Oxfam nitong Lunes hinggil sa lumalaking pagkakaiba ng mayaman at mahirap sa mundo.
Parehong yaman ang pag-aari ng 26 na pinakamayamang tao sa mundo, base sa ulat ng Oxfam, gaya ng 3.8 bilyong katao na mahirap. Ang pinagsamang yaman ng 26 na bilyonaryo ay mas lumaki ng $112 billion noong nakaraang taon. Sa nasabing panahon, bumaba ng 11 porsiyento ang yaman ng 3.8 bilyong mahihirap sa mundo.
Ayon sa Oxfam, mas pinatindi ng mga gobyerno sa buong mundo ang hindi pagkakapantay sa pamamagitan ng hindi sapat na pagpopondo sa serbisyong medikal gaya ng healthcare at edukasyon, habang patuloy na hindi binubuwisan ang mayayaman. Kung kukunin ng mga gobyerno ang 1% ng mayayaman na nagbabayad lamang ng 0.5% dagdag na buwis sa kanilang yaman, ayon sa Oxfam, makakakalap sila ng sapat na pera upang mapag-aral ang 262 milyong bata na ngayon ay hindi nakapag-aaral at magkakaloob ng tulong medikal sa 3.3 milyong katao.
Ang nasabing bilang ay maaaring pumukaw sa mga dadalo sa World Economic Forum, ngunit hindi ang mismong conference. Ang mga business leaders, ekonomista, at political leaders na dumadalo sa WEF forum ay mas may pakialam sa kasalukuyang problema gaya ng US-China trade war at ang supply at pagtaas ng presyo ng gasolina, na nakaaapekto, o makaaapekto sa ekonomiya at pag-unlad ng buong mundo.
Gayunman, dapat bigyang-pansin ng Oxfam ang mga leader ng iba’t ibang bansa sa mundo. Madalas, sa pagiging abala sa mga plano para sa ikauunlad ng kani-kanilang bansa at paglago sa kabuuan, nababalewala ang mahihirap na kanilang nasasakupan.
Nitong 2018, ang mahihirap sa ating bansa ay naghirap sa matataas na presyo – inflation – na umabot nang sukdulan, dahil sa pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, bagong buwis at manipulasyon sa presyo. Ngayong 2019, dapat pagtuunan ng ating mga opisyal ang mga kahalintulad na usapin dahil maaaring muling magtaas ang mga ito, panibagong paglobo ng inflation na ikahihirap ng mahihirap, na parte ng 3.8 bilyon sa pag-aaral ng Oxfam.