NAKAPASA na sa 2nd reading sa Kamara ang panukalang batas na ibinababa sa 9 mula 15 ang edad ng papanagutin sa krimen. Kaya lang, may pagbabagong naganap. Sa halip na siyam, itinaas sa 12 at imbes na criminal liability, tinaguriang social responsibility ang papanagutan ng nagkasala. Nakakuha ng espesyal na atensiyon ang panukala sa layuning mapanagot ang bata sa batas, dahil isa ito sa mga interes ni Pangulong Duterte. Ito ang kanyang ipinangako noong nangangampanya siya, na nakikita niyang isa sa mga paraan ng pagsupil sa krimen.
Ayon sa kanya, lumalaganap ang krimen dahil ang mga nagkakasala na wala pang 15- anyos ay walang papanagutan sa batas at dahil dito, matapang na sumasangkot sa krimen. Bukod dito, ikinakawing niya ang isyung ito sa kanyang war on drugs, ginagamit umano ang mga bata ng mga nakatatanda sa pagbebenta at pagpapakalat ng ilegal na droga, hanggang ang mga bata na mismo ang malulong at gumawa ng krimen para masunod ang bisyo.
Malaking problema na ang war on drugs ng Pangulo. Bukod sa marami nang napatay, pinupuno nito ang mga piitan. Halos sumabog na ang mga piitan sa dami ng mga nadarakip, lalo na’t bawal pa ang plea bargaining sa mga kaso sa ilalim ng Comprehensive Law on Illegal Drugs.
Nang ipahintulot na ng Department of Justice ang plea bargaining kung saan p’wedeng umamin ang akusado sa krimeng may mababang parusa, medyo lumuwag-luwag ang mga piitan dahil may mga napilitang gawin ito sa tagal nila sa kulungan. At kaya nagtagal sila sa kulungan, hindi makaaguanta ang mga korte sa pag-asikaso sa mga kaso. Pero, kahit mayroon nang plea bargaining, hindi nabago ang sitwasyon maliban lamang sa pagkakaroon ng pansamantalang espasyo sa mga piitan dahil sa paglaya ng mga akusadong umaamin. Miserable ang klase ng mga piitan. Hindi para sa mga tao ang mga ito.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, hindi naman ikukulong ang mga bata. Papanagutin lang umano pero sususpendihin ang kanilang sentensiya at hindi sila dadalhin sa ordinaryong piitan. Ang paglalagyan umano sa mga batang nasangkot sa krimen ay sa lugar na tinatawag na Bahay Pag-asa. Pero, sa ilalim ng batas, dapat ang bawat siyudad o munisipalidad ay may mga Bahay Pag-asa. Ang problema, mabibilang mo sa daliri ang mayroon nito. Mayroon man, kulang ang mga pasilidad at instrumento para maturuan ang mga bata at mareporma.
Dapat may mga doktor, guro at psychiatrist na umaalalay sa kanila at tumitingin sa kanilang kalusugan. Kulang na kulang na nga ang paglalagyan mo sa mga bata na magsisilbing instrumento upang lubusan silang maibalik nang matino sa lipunan, padadamihin pa na siguradong mangyayari kapag ibinaba ang edad ng mga taong pananagutin sa batas.
Kung ang mga ordinaryong piitan, na nakatalaga na para sa mga nasasangkot sa krimen, ay sumasabog na sa dami ng mga nakakulong, higit na ganito ang mangyayari sa mga Bahay Pag-asa. Ano gagawin sa mga batang nasa walang Bahay Pag-asa? Palalakihin lang natin ang mga bata na walang tinatanaw na magandang bukas.
Ang epekto ng nais mangyari ni Pangulong Digong at mga mambabatas ay mahihirapan ang mga bata sa kasalanan ng mga nagpapatakbo ng pamahalaan. Nasa kalagayan sila sa kanilang musmos na isipan dahil ang nararapat para sa kanila ay kinakamkam ng kanilang mga ganid na opisyal.
-Ric Valmonte