IMINUNGKAHI kamakailan ng kilalang Amerikanong environmentalist na si Michael Shellenberger na dapat lumipat na ang Pilipinas sa elektrisidad mula sa enerhiyang nukleyar. Itinanghal ng Time Magazine si Shellenberger bilang “Hero of the Environment” at “Green Book Award-winning author.”
Dapat seryosong pag-isipan natin ito. Patuloy ang pagsirit ng pangangailangan natin sa enerhiya dahil sa paglobo ng populasyon at mabilis na pagsulong ng ekonomiya. Nananatili namang mataas ang singil sa kuryente dahil mahal ang paglikha nito gamit ang petrolyo na nagdudulot pa ng nakamamatay na polusyon. Sa totoo lang, mas murang ‘di hamak at “pinaka-ligtas” ang kuryenteng nukleyar, ayon kay Shellenberger.
Nag-uugat ang “nuclear panic” natin sa mga trahedyang Chernobyl (Ukraine) at Fukushima (Japan) ngunit ang ating pagkasindak ay natuon sa ibang naganap doon at hindi direkta sa teknolohiyang nukleyar.
Bunga ng pagkaunawa sa kanilang pagkatakot, maraming bansa sa Europa, pati na ang US at South Korea, ang nagpapasyang buhaying muli ang kani-kanilang plantang nukleyar. Panahon na marahil para buhayin na ang naisantabi nating Bataan Nuclear Power Plant (BNPP).
Hinggil sa isyung ang BNPP ay nasa ibabaw ng mga ‘earthquake faults,’ sinabi ni DoST Usec at Phivolcs Director Renato Solidum na ang rekomendado nilang ‘buffer zone’ para sa mga pasilidad katulad ng BNPP ay mga limang kilometro (km) mula sa beripikadong ‘fault line.’ Mahigit 64 km BNPP sa Iba Fault sa Zambales, 78 km sa Marikina West Valley Fault System, at 83 km sa East Zambales Fault.
Napakahalaga na inaprubahan ng Kamara ang “Comprehensive Nuclear Regulation Act” (HB 8733), kamakailan. Layunin nitong magtatag ng isang komprehensibong ‘nuclear regulatory framework, policy systems’ at mga programa, at lumikha ng isang ‘autonomous’ Philippine Nuclear Regulatory Commission (PNRC) na ikakabit sa DoST para pangasiwaan ang pagpapatupad ng mga ito.
Binalangkas ni Albay Rep. Joey Salceda, katuwang ang pitong iba pa, kabilang sina Speaker Gloria Macapagal-Arroyo, Majority Deputy Leader Ron Salo, at senatoriable Gary Alejano, layunin ng HB 8733 na itatag ang isang ‘legal framework’ na may sapat na kakayahang protektahan ang kalusugan, kaligtasan at kapaligiran laban sa masamang epekto ng ‘ionizing radiation’ at tiyakin ang seguridad ng lahat na ‘radiation resources’ sa bansa.
Ayon kay Salceda, may parusang laan sa mga lalabag nito, kabilang ang pagkabilanggo hanggang limang taon, at multang P1 milyon hanggang P5 milyon. Ang kikitain ng PNRC ay mapupunta sa state general fund. Magkakaroon din ng Nuclear Waste Management Fund mula sa bayad sa kuryenteng likha ng nukleyar para lamang sa ligtas na pangangasiwa sa basurang nukleyar
-Johnny Dayang