PINATUNAYAN ni boxing icon Sen. Manny Pacuiao na hindi sagabal ang edad sa pagboboksing. Sa edad na 40, tinalo ng Pambansang Kamao at Pambansang Atleta ang mas batang American boxer na si Adrien “The Problem” Broner. Ang balbasing si Broner (na hiniling ng Pacquiao team na mag-ahit) ay 29 taong gulang lang, 11 taong mas bata kay Pacman.
Sabi nga ng broadcaster na si Mike Enriquez, parang ayaw
tanggapin ni Broner ang pagkatalo kay Manny. Dahil dito, noong Lunes (isang araw pagkatapos ng bakbakan sa Las Vegas) sinabing pabiro ni Mike na ang dapat na maging palayaw ngayon ni Broner ay “I have a problem”. Ginaya ni Broner ang estilo ni Floyd Mayweather upang hindi siya ma-knock out ni Pambansang Kamao.
Ayon sa balita mula sa Las Vegas, hindi napatulog ni Pacquiao si Broner na gustong mangyari ng kanyang fans, pero dinomina niya ang basagan ng mukha sa loob ng 12 rounds bilang unang laban sa edad na 40. Nakita ng may 13,025 tao sa punum-punong MGM Grand ang pagtugis ni Pacman sa takbo nang takbong si Broner. Ilang beses na nayanig ang 29-year old boxer. Panalo si Manny sa unanimous decision.
oOo
Isang Katolikong pari ang nanawagan noong Linggo sa mga deboto na ipagtanggol ang pananampalataya sa patuloy na pag-atake. Sa obserbasyon ng Pista ng Sto. Niño sa Tondo, Maynila, hinimok ni Auxilliary Bishop Broderick Pabillo ang mga Katolikong Pilipino na idepensa ang Simbahan tulad ng pagsasanggalang sa kanilang mga anak.
Pahayag ni Pabillo: “Ang bata ay dapat na protektahan laban sa mga kasamaan. Ito rin ang dapat nating gawin sa ating pananampalataya. Kailangang pangalagaan ang ating pananampalataya, lalo na ngayong ang ating mga paniniwalang-Kristiyano ay sinasalungat.”
oOo
Hiniling ng Malacañang sa mga mamamayan na ipagpatuloy ang pagtitiwala kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte kasunod ng resulta ng survey ng Social Weather Stations (SWS) na marami pang Pinoy ang naniniwala na matutupad ng Pangulo ang mga pangako.
Batay sa SWS survey na ginawa noong Disyembre 16-19 2018, 48 porsiyento ng adult Filipinos ang umaasang tutuparin ni PRRD ang karamihan sa kanyang pangako. May 46 percent naman ang nagsabi na matutupad lang ni Mano Digong ang “ilan sa mga pangako” samantalang anim na porsiyento ang naghayag na wala siyang matutupad o “none or almost none of them.”
Pinasalamatan ni presidential spokokesman Salvador Panelo ang mga Pilipino sa patuloy na pagtitiwala sa Pangulo na isulong ang pagbabago sa bansa. Ayon sa kanya, ang pagtitiwala ng mga Pinoy ay bunsod ng sinserong hangarin ni PDu30 na sugpuin ang illegal drugs, krimen at kurapsiyon.
Ang tatlong pangunahing isyu na ito, ayon kay Panelo, ang pinakapuso at buod ng pangako ng Presidente noong May 2016 campaign. Mahigit isang milyong drug personalities ang sumuko, naging ligtas ang kapaligiran sa drug pushers at addicts, tinabas niya ang sungay ng kurapsiyon at sinibak ang mga tiwaling pinuno ng pamahalaan.
-Bert de Guzman