HABANG isinusulat ko itong kolum, binatingaw ng Commissions on Elections (Comelec) na tatlong araw pa ang lilipas bago malaman ng buong bansa kung pasado ba ang Bangsamoro Organic Law (BOL) at kung sinang-ayunan ba ito ng nakakarami sa Katimugang Mindanao.
Batay sa mga unang naglabasang balita sa media, may ilang nakagigimbal na pangitain sa naging resulta. Halimbawa nito ang pamumukakad o pananakot ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa mga presinto at sa mga guro sa Board of Elections na “nagpalit” ng boto sa balota ng mga botante at iba pa.
Batid ko ang kasaysayan ng nasabing lugar bilang lakuan ng pambansang boto. Sa panahon ni Diosdado Macapagal, P50,000 lang ang kailangan ng Palasyo upang baligtarin sana ang resulta noong 1965 Presidential Elections kontra Ferdinand Marcos. Buti na lang ay matino si “Dadong”. Sa kasinagan ni Regalado Maambong bilang Comelec Commissioner, siya mismo ang nagbulgar sa akin na hindi lang “failure of elections ang naganap”, bagkus, walang nagaganap na halalan sa ilang bahagi ng Katimugang Mindanao. “Moro-moro” lang.
Uminog ang mundo sa taong 2004 at pati si Fernando Poe Jr. ay nadaya rin. Ngayon sa ilalim ng Martial Law (ML) at Smartmatic pa, malaya bang maituturing ang pondahan ng mga Maranao, Samal, Tausog, Badjao, Iranons, at iba pa na magpahayag, kumampanya, tumutol, at bumoto na kontra sa Bangsamoro Basic Law (BOL) ng MILF?
Balikan ko lang, BOL ito ng MILF, dahil una sa lahat, sila ang magpapasasa sa Bangsamoro Transition Commission habang itatayo ang Bangsamoro Government. Ang Moro National Liberation Front (MNLF) ni Nur Misuari na siya ring kinikilala ng Organization of Islamic Conference (OIC) sa mundo ay hindi kapatas sa talastasan, gayundin ang Royal Houses ng Mindanao at karamihan sa Lumad na mas nauna sa Pilipinas, subalit siguradong mauungusan ang MILF ng lupain. Hindi ba dapat tulad sa panahon ni Marcos, na ipatupad sana kahit man lang “the effects of ML was suspended for a week”?
Ayon sa Article 10 Section 19 ng 1987 Constitution, ang BOL ay “unconstitutional”. Mahalagang itanong, “teroristang grupo” ba ang MILF? Ang kasagutan ay hanapin sa Google, kung saan makikita at mababasa ang mga ginawa nilang pambobomba na ikinasawi ng mga sibilyan, bata at madre, ilang dekada na ang nakalipas. Dapat bang makipagnegosasyon ang pamahalaan sa mga terorista? Pilipino ba ang turing ng mga lider ng MILF sa kanilang sarili?
-Erik Espina