SISIMULAN ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) sa pamumuno ni Chairperson Liza Diño-Seguerra ang kanilang panibagong taon na punumpuno uli ng activities sa pamamagitan ng third FDCP Film Ambassadors’ Night sa Pebrero 10 sa Samsung Hall ng SM Aura Premier sa Bonifacio Global City.

Liza

Ipagbubunyi sa annual event ang mga tagumpay ng industriya ng pelikulang Pilipino lalo na ng mga manggagawa nito mula sa artists, filmmakers/directors, scriptwriters hanggang sa producers at stakeholders na tumanggap ng mga parangal sa international film festivals nitong nagdaang taon.

Kikilalanin ng FDCP ang 85 local industry people na nag-uwi ng karangalan sa bansa dahil sa kanilang pagbabahagi ng kultura at mga kuwentong Pilipino sa pamamagitan ng sine.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

Kasama sa mga kikilalanin ang mga direktor na ginawaran ng awards sa mga pangunahing international film festivals, tulad nina Shireen Seno para sa Nervous Translation, Treb Monteras II para sa Respeto, at Brillante Mendoza para sa Alpha, The Right to Kill.

Tatlo ang recipients ng Camera Obscura Artistic Excellence Award, ang pinakamataas na pagkilalang iginagawad ng FDCP sa outstanding members ng film industry na nagkaroon ng major breakthroughs sa Philippine cinema. Ang bawat awardee ay pagkakalooban ng tropeo at P50,000 cash award. Kabilang sa nakaraang mga awardee nito sina Lav Diaz at Jaclyn Jose, at ganoon din ang mga pelikulang Saving Sally ni Avid Liongoren at ang Kita Kita ni Sigrid Andrea Bernardo.

Bukod sa pagdiriwang sa mga tagumpay ng industriya, ang Film Ambassadors’ Night ay pagtitipon din ng filmmakers upang ibahagi sa bawat isa ang kanilang mga karanasan at pagbubukas ng mga posibilidad ng pagtutulungan sa mga proyekto.

Itinuturing ng FDCP na banner year ang 2019 na centennial celebration ng the Philippine cinema. Bilang pagtalima sa Presidential Proclamation No. 622, series of 2018, ang FDCP ang siyang lead agency ng makasaysayang pagdiriwang.

Pangungunahan ng ahensiya ang buong taong pagdiriwang na may tema na “Sandaan”, na sisimulan sa pamamagitan ng Film Ambassadors’ Night.

Ang listahan ng Film Ambassadors ay ilalabas sa publiko sa mga susunod na linggo.