SA tuwing ako’y dadaan sa isang bahagi ng Tagaytay-Silang Highway, tumatayo ang mga balahibo sa aking braso.
Nananatili ang trauma at takot sa tuwing baybayin ko ang lugar na iyon, na kilala sa nakahilerang pagawaan ng magagarang muebles.
Dalawang taon na ang nakalilipas nang masangkot ako sa malagim na aksidente sa lugar. At hanggang ngayon, binubulabog pa rin ako ng takot.
Bunsod ng pagkakatilapon ko mula sa aking motorsiklo nang sumalpok ito sa isang sasakyan, nagkaroon ng lamat ang buto sa aking magkabilang sakong. Biglang nag-U-turn ang sasakyan sa aking harapan habang binabaybay ko ang naturang kalsada.
Dahil sa lakas ng pagkakasalpok, tumilapon ako ng halos 10 metro.
Salamat sa Diyos at tinulungan ako ng mga kasamahan ko sa Yamaha Big Bikers’ Club, na sila ring tumulong sa pagtawag ng ambulansiya.
Kahapon, muli akong nadaan sa naturang lugar. Laking pasasalamat ko sa isang establisyemento at mayroon itong closed-circuit television (CCTV) camera na nakakuha ng aktuwal na pangyayari.
Hindi lang isa, kundi dalawang CCTV ang nakakuha sa pangyayari. Magkaibang anggulo.
Malaki ang naging tulong ng video clip sa imbestigasyon at pagkakakuha ko ng insurance claim.
Malamang kung wala ito ay mamumuti ang aking mga mata sa paghihintay na mabayaran ako ng insurance claim.
Pumasok din sa aking isipan ang kahalagahan ng paggamit ng CCTV sa mga pampublikong sasakyan.
Ilang beses rin akong sumakay sa pampasaherong bus at marami na rin sa mga ito ang gumagamit ng CCTV.
Kaya ngayon mas malaki ang posibilidad na matukoy ang mga kawatan na nambibiktima ng mga pasahero.
Bukod dito, madali ring malaman kung over speeding ang isang sasakyan sakaling ito’y masangkot sa sakuna.
Iba’t ibang gadget ngayon inilalagay sa mga sasakyan upang matukoy kung ito ay lumalabag sa batas-trapiko. And’yan din ang Global Positioning System (GPS) na magsasabi sa command post na ito’y lumalabag sa speed limit.
Umiiral na rin ang batas kung saan obligado na ang mga pampasaherong bus na gumamit ng speed limiter, upang hindi makaharurot ang mga pasaway na driver.
Oo nga’t ang mga ito’y dagdag pasanin sa mga transport operator, subalit kung ating iisipin ay malaking tulong ito hindi lamang sa kanila kundi maging sa mga pasahero.
Sana’y mamulat na ang mga transport organization sa paggamit ng makabagong teknolohiya para na rin sa kapakanan ng lahat.
Huwag na tayong magbulag-bulagan at bingi-bingihan.
-Aris Ilagan