HINIKAYAT ni Senador Aquilino Pimentel III nitong Sabado ang mga opisyal ng gobyerno na iwasan ang pagpo-post ng mga komento sa social media hinggil sa mga opisyal na bagay na may kinalaman sa kanilang posisyon sa pamahalaan, sa gitna ng eskandalo na idinulot ng isyu tungkol sa pag-iisyu ng pasaporte ng Department of Foreign Affairs.
Ang partikular na Twitter post ni Secretary of Foreign Affairs Teodoro ang lumikha ng gulo hinggil sa pasaporte. “We are rebuilding the files from scratch because previous outsourced passport maker took all the data contract terminated,” pagbabahagi ng kalihim sa kanyang Twitter account. Sa isa pang post, nangako siyang: “I will autopsy the yellows who did he passports deal alive. This called evisceration.”
Nitong Martes, nilinaw ng kalihim ang isyu sa panibagong tweet: “Data is not runwayable. But made inaccessible.” Kasunod nito, binawi ng DFA ang nauna nitong panawagan ng pagpapasa ng opisyal na birth certificate para sa mga nais mag-renew ng kanilang pasaporte.
Tinanggap ni Senator Pimentel ang paglilinaw ngunit iginiit nito na ipagpapatuloy ng Senado ang pagsisiyasat dahil may isa pang ahensiya ng pamahalaan na nasa service provider ang kustodiya ng mga datos. Sa puntong ito, umapela ang senador sa mga opisyal ng gobyerno na huwag nang ibahagi sa social media ang mga isyu ng pamahalaan lalo’t mahirap timbangin ang pahayag sa Twitter.
Marahil ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng komento sa pagti-tweet ng mga opisyal ng pamahalaan ng Pilipinas. Ang pangulo ng Amerika, si Donald Trump, ay ilang taon nang ginagawa ito sa pagkokomento sa bawat isyu na may kinalaman sa kanyang panunungkulan.
Sa kanyang hinihinging pondo para sa pagtatayo ng pader sa bahagi ng US-Mexico border, paulit-ulit na inihayag ni Trump sa Twitter ang kanyang posisyon. Sa isa sa kanyang mga tweet, sinabi nitong: “We’re going to have safety. We need safety for our country, even from this standpoint. We have terrorists coming through the southern border.” Isa pang pagkakataon: “This isn’t about the Wall. Everybody knows that Wall will work perfectly.This is only about the Dems not letting Donald Trump & the Republicans have a win...”
Isa sa mga pinakabago niyang tweet ngayong buwan, sinabi niyang “[he] won perhaps the greatest election of all time” at “[he has] done nothing wrong (no collusion with Russia. It was the Dems that colluded).” Sa isa pa niyang tweet, sinabi niyang “[he] had the most successful first two years for any president,” at siya rin, aniya, ang “most popular Republican in party history 93%.”
Marahil karamihan sa mga Amerikano ay natutunan nang balewalain ang mga ganitong tweet, ngunit nagbibigay ito ng katanungan n kung anong pagpapahalaga ang dapat na ibigay dito. Sa karaniwan, ang pahayag ng pangulo ay itinuturing na isang opisyal na polisiya ng pamahalaan. Ngunit nariyan ang pagdududa kung ang mga tweet na ito tungkol sa iba’t ibang isyu ay may opisyal na katayuan.
Maaaring may katulad na pagdududa si Senator Pimentel sa kanyang isip nang manawagan siya sa mga opisyal na pamahalaan ng Pilipinas na iwasan ang paglalabas ng pahayag sa Twitter at iba pang social media. Ano’t ano pa man, marapat na pag-aralan ang kanyang suhestiyon