HABANG nakikipaglaban sa ring, ni-ransacked naman ng mga kawatan ang mansyon ng Pambansang Kamao Manny Pacquiao sa Los Angeles, California nitong Sabado.
Natuklasan ang pagnanakaw matapos maidepensa ni Pacquiao ang kanyang World Boxing Association (WBA) welterweight title kontra sa American boxer na si Adrien Broner sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada, Sabado ng gabi, January 19 (Linggo ng umaga, January 20, sa Pilipinas).
Isang ‘di kagandahang balita ang dinatnan niya sa pagbalik niya sa Los Angeles, California.
Kinabukasan, January 20 (US time), napag-alaman ng Filipino boxing champ na nilooban ang bahay niya sa posh area ng South Plymouth.
Ayon sa mga report, nakikipag-ugnayan na sa LA police ang advance security ni Pacquiao.
Hindi pa rin pinapayagan ang sinuman sa kampo ni Pacquiao na pumasok sa loob ng bahay habang isinasagawa ang imbestigasyon para sa pangangalap ng mga ebidensiya o finger prints ng mga suspek.
Hindi ito ang unang beses na nilooban ang bahay ni Pacquiao sa Los Angeles dahil nangyari na rin ito noong 2011.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, pinuntirya umano ng mga magnanakaw ang kuwarto ni Pacquiao. Malayang naisagawa ng mga magnanakaw ang kanilang balak dahil alam nilang walang tao sa kanilang mansyon dahil nasa Las Vegas ang pamilya ni Pacquiao para sa Pacquiao-Broner fight.
Nagkalat daw ang mga gamit ng Pambansang Kamao at inaalam pa ng mga awtoridad kung ano ang mga nawala.
Ayon sa kapatid ni Manny na si Bobby Pacquiao, kabilang sa mga gamit ng senador na nasa kuwarto ay designer items, mga alahas at safety vault.
-ADOR SALUTA