PUMAYAG si Budget Sec. Benjamin Diokno na itaas ang sahod ng mga kawani o manggagawa ng local government units (LGUs) at ng government-owned and- controlled corporations (GOCCs) para sa kanilang ikaapat at huling annual increase.
Gayunman, sa kaso ng national government personnel tulad niya at ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, hindi magre-release ng pondo ang Department of Budget Management (DBM) para sa kanilang pay hike hanggang hindi pinagtitibay ng Kamara at Senado ang panukalang P3.757 trilyong pambansang budget para sa 2019 at lagdaan ng Pangulo.
Kapag ganap na napagtibay ang 2019 national budget, ang suweldo ni PRRD ay madaragdagan ng P102,000 kung kaya magiging P400,000 ang sahod niya kada buwan. Ang pay hike o pagtataas ng suweldo ay kukumpleto sa ikaapat na four-year salary adjustment program na inawtorisahan sa ilalim ng Executive Order No. 201, na nilagdaan ni dating Pangulong Noynoy Aquino noong Pebrero 19, 2016.
Hindi nabiyayaan si PNoy sa EO na ito. Si PDu30 at ang mahigit sa isang milyong kawani/manggagawa ng pamahalaan ang nakinabang sa kautusang ito. Samakatwid, mas mapalad ang mga empleyado ng gobyerno kumpara sa mga kawani/ manggagawa o federal employees ng US government bunsod ng banggaan nina US Pres. Donald Trump at ng US House of Representatives.
oOo
Nakaramdam ng pinakamalamig na umaga ang Metro Manila noong Huwebes nang bumagsak ang temperatura sa 19 degrees celsius. Batay sa rekord ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ang pinakamalamig na mga araw sa Metro Manila ay naitala noong Pebrero 4,1987 at noong Disyembre 30,1988 nang bumagsak ang temperature sa 15.1 degrees celsius.
Ang paglamig ng gabi at umaga ay hindi naman sana maging dahilan ng pagdami ng mga nabubuntis sapagkat kapag malamig, naghahanap daw ng init ang mag-asawa na kung tawagin ng mga pilyo ay “human blanket.” Sabi nga ng kaibigan ko: “Kapag giniginaw, magkumot ka na lang ng biniling blanket at huwag mong gawing kumot ang iyong misis o mister.”
oOo
Binira ng Malacañang ang report ng isang US-based non-government organization, ang Armed Conflict Location and Event Data Project (ACLED) Year in Review 2018, sa pagtuturing sa Pilipinas bilang isang “war zone in disguise” kahanay ng Afghanistan, Iraq, Syria at Yemen.
Ayon kay presidential spokesman Salvador Panelo, paulit-ulit na ipinaabot ng Duterte administration sa foreign human rights organizations na hindi kailangan ng PH ang lectures mula sa mga dayuhang grupo kung papaano pangangasiwaan ang bansa.
Iginiit ni Panelo na ang mataas na approval at trust ratings ni PRRD mula sa mga survey ng Social Weather Stations (SWS) at Pulse Asia, ay nagpapabulaan sa claims ng ACLED. Suportado ng maraming Pilipino ang Presidente bilang mapagkakatiwalaang lider at ang pananatili niyang popular ay maliwanag na pagbalewala sa negatibong mga alegasyon ng foreign groups.
oOo
Samantala, sinabi ni Balanga Bishop Ruperto Santos, puno ng Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People (ECMIP) ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), na panahon na para tumayo at manindigan ang mga lider ng Simbahang Katoliko laban sa mga insulto, paninira at panlalait ni Mano Digong sa pananampalataya, sa Bibliya at sa Diyos. Sana naman ay magkasundo at magkaunawaan ang Pangulo at ang Simbahan para sa bayan
-Bert de Guzman