ISANG bahay na masisilungan at matutulugan sa gabi ang proyektong pinakaaasam ng mga batang kalye na buong maghapon naglilimayon sa mga pangunahing lansangan, sa kanilang araw-araw na pakikibaka sa kahirapan habang nabubuhay dito sa “kagubatan” ng Kalakhang Maynila.

Ang problema, ayon na rin sa ilang batang yagit na kakuwentuhan ko, ay tila wala yata ni isang nakaupong opisyal sa mga lokal na pamahalaan at maging sa nasyonal ang naka-iisip sa kanila, bagkus kung anu-ano umanong bilyones na pagkakakitaan ang pinagkakaabalahan.

Naglalakad kasi ako sa isang pangunahing kalsada sa Sta. Cruz, Maynila nito lamang nakaraang gabi nang masagi ako ng bitbit na sako ng isa sa apat na mga batang kalye, na sa tingin ko ay katatapos lamang mangalakal at naghahanap muna ng lugar na matutugpaan upang ipahinga ang mga pagal nilang katawan.

Muntik natuloy akong malaglag ng bangketa, ngunit agad namang humingi ng paumanhin ang bata na pinagsabihan ng tatlo pa niyang kasama sa paglalakad. Nahalinhan agad ng lungkot – mababaw ang luha ko sa ganitong senaryo -- ang ilang oras ko rin na naramdaman ang kasiyahan dulot ng dinaluhan kong “oldies birthday party” sa isang makasaysayang hotel sa kanto ng Avenida Rizal at Doroteo Street.

Sa halip na magalit at pagsabihan ang mga bata ay kinausap ko ang mga ito. Nalaman kong buong maghapon silang naglilibot para mangalakal – mamulot ng mga basurang puwede pang ibenta sa mga junk store – at kinabukasan ng umaga nila dinidispatsa para pambili ng kanilang pagkain sa buong maghapon.

Araw-araw ay ganito ang routine nila sa buhay kaya’t sa panahon nang pagkabagot sa kanilang kahirapan, dito nila naiisip na mag-droga – hindi shabu mahal daw kasi ‘yun – ‘yung abot-kaya lamang nila gaya ng mga rugby at iba pang solvent.

Sa puntong ito namutawi sa kanilang mga nagbibitak-bitak na labi ang proyektong madalas nilang napag-uusapan na sana ay maisipang gawin ng mga opisyal na madalas na magpa-aresto sa kanila kapag may pumupuna na nakapapangit sila sa kapaligiran ng lungsod.

“Ang lagi na lang naiisip nila ( mga opisyal ng gobyerno) na gawin kapag may pumupuna na ang pangit naming tingnan na pakalat-kalat sa kalsada, ay i-rescue raw, ibigay sa DSWD, na ang tanging alam gawin para sa amin ay sermunan, pakainin ng lugaw, at pagkatapos ay pakakawalan na at mahigpit na bibilinan na umuwi na raw kami at ‘wag munang babalik sa lugar na pinagdamputan sa amin dahil mainit pa ang mga parak,” ang sabi ni Boyet, ang tingin ko na pinaka-responsable sa kanilang apat.

Sabat naman ni Totoy, na sa tingin ko ay mga 15 years old pa lang: “Sana gumawa na lang sila ng malaking bahay na parang bodega na pupuntahan namin tuwing gabi para doon maligo, matulog at magpahinga, para ‘di kami makapangit sa kalsada. ‘Di naman kami doon titira, sisilungan lamang namin ito sa gabi para makapagpahinga. Sa buong maghapon naman kasi nasa kalye kami at naghahanap-buhay, bahala na rin kami sa aming pagkain, para ‘di naman kami masyadong pabigat sa gobyerno at magkaroon ng direksyon ang aming buhay.”

Dumukot ako ng P200 at tinangkang iabot ito sa pinaka-bunso ng grupo na si Buboy ngunit pinigil ito ni Boyet: “’Di po kami namamalimos Kuya, nangangalakal po kami.”

Nabigla at medyo napahiya ako sa aking sarili at nang makabawi ay ganito ang aking nasabi: “Hindi ko rin ugaling magbigay ng limos, noh! Ambag ko ‘yan sa ginagawa ninyong paglilinis sa ating kapaligiran at pagpigil sa masamang epekto ng plastic sa buong mundo.”

“Salamat po Kuya,” ang nakangiti at sabay-sabay na tugon nila.

Ang ganting sagot ko naman: “Tutulong ako sa abot ng aking makakaya para hindi manatiling pangarap lamang ang inyong bahay silungan.”

Mag-text at tumawag saGlobe: 09369953459 o mag-email sa: daveridiano@ yahoo.com

-Dave M. Veridiano, E.E.