SA pagpasok ng Internet Era o Information Age, maraming negosyo ang unti-unting nawawala o nagbabagong-anyo. Nauna nang naglaho ang telegrama, kasunod ang huminang postal office o ang pagpapadala ng sulat sa pamamagitan ng koreo. Iilan na lang din o baka nga wala nang nagpapadala ng Christmas cards o maging birthday cards.
Agad napalitan ng text at private/direct messaging ang pagers na dating pinamayanihan ng Easy Call at Pockebell. Nawala na rin at hindi na naglalathala ng mga bagong volume ang mga encyclopedia sa paglitaw ng Google.
Maraming doomsayers ang matagal nang nagsasabi na papalitan na rin ng ebooks ang mga libro at lilipat na sa websites ang glossy magazines at newspapers.
Maging nang lumitaw ang radyo at telebisyon ay may prediction din ang ilang futurists na papalitan din nito ang print media, pero nagkamali sila. Maraming salamat sa mahuhusay na journalists dahil patuloy na sa kanila umaasa ng de-kalidad at totoong impormasyon ang publiko.
Under siege ang traditional media sa pagdating ng fake news purveyors na gumagawa ng paraan upang sila ang paniwalaan, pero anuman ang mangyari ay katotohanan pa rin ang laging bida.
Kasama sa nagbabagong anyo ang entertainment industry, sa paglitaw ng Netflix at ng iba pang streaming websites. Kaya hindi na sa mga sinehan o TV lang tayo nanonood ng mga bago at original na pelikula kundi sa desktop at sa smartphones na kinahuhumalingan ngayon. May prediksiyon din na mawawala na ang mga rolyo ng pelikula dahil ibi-beam na lang ang produkto sa mga sinehan. Sa ngayon, puwede nang ipasok ang pelikula sa USB na ikinakabit sa players.
Nauna nang nawala ang casette tapes, VHS o betamax, laser discs, at unti-unti maging ang VCD at DVD.
Nagsara na rin ang maraming fan magazines, dahil direkta nang nagkakaroon ng ugnayan sa Instagram at iba pang social media platforms ang celebrities at fans. Ang mga pulitiko, artista, singers, fashion people, beauty icons, at iba pang personalities ay direkta nang nagkakaengkuwentro sa social media.
Dahil nasa gitna tayo ng Information Revolution, marami ring nangyayaring “giyera” sa Internet. Malayo sa mga civil war noong Agricultural Era at Industrial Revolution na pisikalan ang bakbakan sa battlefield, ngayon ay sa cyberspace na naglalaban ang war experts ng Russia, China, at Amerika. Maraming political analysts ang may teorya na continuation ng Cold War ng Communism at Democracy ang namamayaning klima sa world politics.
Sa napakabilis na virtual interaction ng iba’t ibang uri ng tao sa Internet, madalas magkaroon ng conflict na sa social media na rin nagkakaroon ng resolusyon.
Halimbawa, sa social media dinala ng Falcis brothers ang kanilang gusot kay Kris Aquino na una na niyang isinampa sa korte. Pero mayroon ding nagkakahamunan na magkita para magkasubukan ng tapang. Tulad ni Piolo Pascual na hinamon ng suntukan ang netizen na nagkomento sa post ng aktor sa Instagram nitong nakaraang linggo.
Nagkayayaan si Piolo at ang netizen na magkita para tapusin sa sukatan ng lakas at tapang ang pagtatalo nila.Bukod sa mga personalang away, may nagaganap ding pingkian ng mga ideya at impormasyon sa iba’t ibang sektor ng lipunan.
Bukod sa mga lehitimong balita, sa social media na rin nakasubaybay ang umaabot sa 70% ng mga Pilipino na nakakabit sa Internet.Isa sa agad napansin nitong nakaraang Linggo ang pagsubaybay ng boxing fans sa pinakahuling laban ni Manny Pacquiao sa Las Vegas kontra kay Adrien Broner sa live feed ng Facebook. Nawala na ang mga sinehan na dating nagpapalabas ng boxing bouts ni Pacman.
Umaasa ang maraming social scientists at political analysts na sa dulo ng kabi-kabilang gusot na hatid ng mabilisang daloy ng mga impormasyon, ang pananatili ng kabutihan sa puso ng mga pangkaraniwang mamamayan.
Katotohanan pa rin ang magpapalaya sa ating lahat.Kung ganito nga ang destinasyon ng ating mundo mula sa mga kaguluhan sa tinatawag ngayong Post Truth Era, matutupad ang Beatitudes, partikular ang winika ni Jesus Christ na, “Blessed are the meek, for they shall inherit the earth.”
-DINDO M. BALARES