TATANGKAIN ng Senado na maratipika o mapagtibay ang P3.757-trilyon pambansang budget para sa 2019 bukas, Miyerkules. Ayon sa mga senador, maaari lang umasa ang Malacañang na maaaprubahan ang national budget na gagamitin sa operasyon ng mga departamento at ahensiya nito kapag pumayag ang Kamara, na kaalyado ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, na tanggalin ang isiningit na pork barrel.

Sisikapin ng Senado na kumbinsihin ang mga kongresista “to give up billions of pesos in pork that they hand embedded ni President Duterte’s spending program for the year.” Plano ng mga senador na pagtibayin ang pambansang budget nitong Lunes sa ikalawa at ikatlong pagbasa upang talakayin sa bicameral conference committee. Raratipikahin ito ng bicameral conference committee.

Sinabi ni Sen. Panfilo Lacson na ang Senate-House conference ay maaaring maging “madugo” dahil sa magkaibang bersiyon ng Kamara at Senado. Inaasahan daw ni Lacson na ipaglalaban ng mga kongresista (tooth and nail) ang bilyun-bilyong piso na inilaan sa kanilang mga distrito.

Si Lacson ay hindi tumatanggap ng pork barrel o PDAF na P200 milyon sa bawat senador. Bukod sa kanya, si ex- Sen. Joker Arroyo ay tumanggi ring kunin ang kanyang P200 milyon PDAF (pork barrel) bawat taon. Naniniwala si Lacson na ugat ng kurapsiyon ang pork barrel.

oOo

Ibinunyag ni Sen. Joel Villanueva na kaya pala mabilis mabigyan ng work permit ang mga dayuhan ay dahil P5,000 lang ang sinisingil ng ilang Immigration personnel sa bawat aplikante. Hiniling niya sa Department of Labor (DoLE) na pakialaman ang bagay na ito upang mahadlangan ang mabilis na pagkakaloob ng work permit sa napakamurang halaga, at alamin din kung sino ang Immigration personnel na sumisingil nang mura.

Batay sa ulat, ang Bureau of Immigration ay nakapag-isyu na ng 185,000 special working permits hanggang nitong Nobyembre 2018. Ang regular work permit ay P6, 400. Samakatwid, may P925 milyon nang nakolekta sa quick release fees o mabilis na pagkakaloob ng work permit sa mga banyaga.

oOo

Sa isang forum, isiniwalat ng Supreme Court Senior Associate Justice na sa mga paaralan sa China, inuutos ng gobyerno na ituro sa mga estudyante na mula grade school hanggang college ang “false narratives” na pag-aari ng China ang buong South China Sea-West Philippine Sea (WPS).

Nagtatanong si Carpio kung papaano kikilalanin at tatanggapin ng China ang desisyon ng Arbitral Tribunal sa Hague, Netherlands na pumapabor sa Pilipinas kung sa mga paaralan nito, ang itinuturo sa mga estudyante ay pag-aari ng bansa ni Pres. Xi Jinping ang SCS-WPS.

Noong 2016, binalewala at tinanggihan ng Arbitral Tribunal (UN Permanent Court of Arbitration) ang claims ng China sa tinatawag na 9-dash line na nagsasabing kanila ang buong SCS-WPS. Hindi kinilala ng China ang ruling ng hukuman at nagpatuloy sa pag-angkin sa teritoryo na hindi kanila.

Sa ngayon, kinakaibigan ng ating Pangulo ang China. Ayon kay PDu30, bago matapos ang kanyang termino, kakausapin niya ang China at ilalahad sa mga lider nito na pag-aari ng ‘Pinas ang mga reef, shoal at isle na inookupahan ng China. Sana ay totoo ito.

-Bert de Guzman