AYON sa Commission on Elections, 75 porsyento ng mga nakarehistrong botante ang boboto sa plebisito hinggil sa ratipikasyon ng Bangsamoro Organic Law (BOL). Ginanap kahapon ang unang yugto ng plebisito sa mga probinsiya na bumubuo ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM)-Basilan, Lanao del Sur, Maguindanao, Sulu at Tawi-Tawi -at mga siyudad sa Cotobato at Isabela.
Kasama sa mga nangampanya para sa ratipikasyon ng BOL ay si Pangulong Duterte na nanawagan sa mamamayan ng Mindanao na iboto ang BOL upang wakasan, aniya, ang kaguluhan na kumitil sa 120,000 katao.
Sabi ng kanyang Cabinet Secretary na si Karlo Nograles, umaasa siya na mararatipikahan ang BOL. Hiniling din ni Vice President Leni Robredo ang ratipikasyon ng BOL upang maiwasto ang kawalan ng katarungan na matagal nang umiiral laban sa mamamayan ng Bangsamoro
Nanawagan naman si Sen. Risa Hontiveros sa mga salungat sa BOL na gamitin nila nang responsable ang karapatan nilang tumutol. “Panatilihin natin ang paggalang sa Mindanao, sa ating demokratikong institusyon at sa isa’t isa sa kabila ng pagkakaiba ng ating pananaw,” wika ng senadora.
Bakit ganito ang panawagan ng Senadora? Kasi, may mga hindi sumasang-ayon sa BOL. Una na rito ang alkalde ng Cotabato City.
“Hindi ko sarili ang pagtutol. Ito ang damdamin ng mga mamamayan na aking nasasakupan. Maganda ang layunin ng BOL na magdulot ng kapayapaan at kaunlaran sa Mindanao, pero ang malaking problema ay ang implementasyon,” sabi ng alkalde nang kapanayanin siya sa isang programa sa telebisyon.
Ang pinagdudahan ng alkalde ay ang kakayahan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na magpatupad sa BOL. Aniya, hindi makontrol ng MILF ang kanilang mga miyembro, paano rito mapapairal ang pagnanasa ng BOL?
Ang MILF ang kausap ng gobyerno sa kasunduang pangkapayapaan at inaasahan na ang pagraratipika ng BOL ay simula ng pangmatagalang kapayapaan at progreso ng Mindanao.
Nitong Biyernes, nagtipun-tipon ang 3,000 kasapi ng Moro National Liberation Front (MNLF), na pinamumunuan ni Nur Misuari, sa Cotabato City Hall para ihayag ang kanilang pagtutol sa BOL. Ang humiwalay na grupo lang nito sa pamumuno ni Yuso Jikiri ang sumusuporta sa BOL.
Sa Maguindanao, ang Bangsamo Islamic Freedom Fighter (BIFF) ay hindi sumasang-ayon na makiisa kay Pangulong Duterte hinggil sa BOL.
Lumiwanag ngayon kung bakit hiniling ng Pangulo ang pagpapalawig ng martial law sa Mindanao hanggang ngayong taon. May itinalagang 10,000 tropa ng militar ang nagbabantay sa lugar ng plebisito sa ngalan ng pangangalaga ng maayos at mapayapang botohan.
Bago ang halalan, ipinadala ng Pangulo ang mga retiradong heneral na sina Interior and Local Government Secretary Eduardo Año at Peace Adviser Carlito Galvez, Jr. sa Patikul, Sulu at sa rally sa Mindanao State University, hinikayat nila ang kanilang tagapakinig na suportahan ang BOL. Ang Sulu ay naiulat din noong una na laban sa BOL.
Ang ibig sabihin ni Sen. Hontiveros sa kanyang panawagan ay maging matapang ang mga tumutol sa BOL at huwag silang matakot sa militarisasyon.
-Ric Valmonte