KINILALA ng Philippine Racing Commission (Philracom) si isinagawang ‘Araw ng Parangal’ ang kontribusyon at natatanging gawa sa horse-racing industry ng mga individual at racing club sa pangunguna ng Philippine Racing Club Inc. at Manila Jockey Club kamakailan sa San Lazaro Leisure and Business Park sa Carmona, Cavite.

Ipinagkaloob kay Manila Jockey Club Chief Operating Officer Atty. Peter Sagala ng MJC ang Racing Club of the Year (Batay sa kabuuang premyo sa mga karera), habang ang Philippine Racing Club Inc.'s Racing Manager Antonio Alcasid Jr. ang tumangap para sa PRCI ng Racing Club of the Year (Batay sa kabuuang kinita sa isang araw na karera).
Tinanggap naman ni Oliver Velasquez ng SC Stockfarm, Inc. ang Philracom Stakes Races Horse Owner of the Year, habang kinilala ang pamosong Sepfourteen bilang Top Earning Horse of the Year.
Ipinagkaloob kay Leonardo M. Javier Jr. ang Horse Breeder of the Year, habang si Narciso O. Morales ang Top Earning Horse Owner of the Year.
Bunsod nang pagkakaroon ng pinakamaraming panalo sa kabuuang ng 2018 season, nakuha ni Ruben S. Tupas ang Philracom Stakes Races Trainer of the Year at Top Earning Trainer of the Year. Tinanggap din niya ang Philracom Stakes Races Horse of the Year—Smart Candy— tumabla sa Pride of Laguna, na alaga ni Emmanuel A. Santos.
Kinilala naman ang husay nina award-winning jockeys O'Neal P. Cortez at Jessie B. Guce bilang Top Earning Jockey of the Year at Stakes Races Jockey of the Year, ayon sa pagkakasunod.
Tinanghal namang Most Successful Racing Festival of the Year ang ginanap na 11th Manila Horse Power Organization, Inc. Anniversary Racing Festival ni Ferdie Eusebio.
“These awardees stood out for the industry during a trying year. They were the bright spots and they deserve all of the accolades,” pahayag ni Philracom Chairman Andrew A. Sanchez.
Isinagawa ang ‘Araw ng Parangal’ bago bitiwan ang 2019 Philracom Commissioner's Cup, na sinaksihan ni Department of Budget and Management Secretary Benjamin Diokno.
Tila ginanahan sa kanyang Horse of the Year award, ratsada ang Sepfourteen para gapiin sa dikitang laban ang karibal na Electric Truth.
Sakay si jockey JA Guce, humarurot ang Sepfourteen sa huling 500 metro para iwan ang mga karibal at angkinin ang premyong P900,000.00.