ISA sa malalaking bayan sa Eastern Rizal ang Tanay. Isa itong maunlad na bayan na pinaninirahan ng mamamayang masisipag, may loob sa Diyos, matulungin at matibay ang pagpapahalaga at pagbibigay-buhay sa kanilang namanang mga tradisyon na nag-ugat na sa kultura ng bayan. Ang kanilang pagdiriwang ng kanilang kapistahan ay kasabay ng kapistahan ng kanilang patron saint at patroness na si San Ildefonso de Toledo at ang Mahal na Birhen ng Guadalupe, sa tuwing sasapit ang ika-23 at 24 ng malamig na Enero.
Ang simula ng pagdiriwang ng kapistahan ngayong 2019 ay inihuhudyat ng siyam na araw na nobena para sa karangalan ng dalawang santo. Dinadaluhan ito ng mga deboto, kabataan, mag-aaral, senior citizen ng Tanay at iba pang parishioner. May mga debotong mula pa sa mga karatig-bayan.
Sa pagdiriwang ng kapistahan, siyam na barangay sa bayan ang kalahok sa pagdiriwang. Bawat barangay ay may inimbitahang banda ng musiko na nagdaraos ng band at drill competition tuwing ika-24 ng Enero. Ang nasabing competition ang climax at huling bahagi ng kapistahan.
Ang mga banda ng musiko na inimbitahan na nagbibigay-saya sa pista ng Tanay ay mula sa iba’t ibang lalawigan tulad ng Laguna, Quezon, Batangas at Nueva Ecija. May mga banda rin ng musiko na mula sa ibang bayan sa Rizal. Ang masaya at makulay na band drill competition ay ginagagawa sa Tanay Park.
At sa pagdiriwang ng kapistahan, ang mamamayan sa Tanay ay hindi pinipilit na maging maluho sa paghahanda. Ayon nga sa isang taga-Tanay na kaibigan ng inyong lingkod, kung ano ang makakaya ang dapat na ihanda sa mesa.
Ngunit sa mga ibang taga-Tanay na masasabing may kaya sa buhay at mayaman, hindi sila pinipigil sa kanilang mga inihahanda sa kapistahan. Tuwing kapistahan ng Tanay, maraming balikbayan ang nakikiisa sa pagdiriwang na tinatawag na “Gabi ng mga Balikbayan”. May isinasagawa ring singing contest.
Ayon sa kasaysayan, Enero 16, 1571 nang ibigay ni Miguel Lopez de Legaspi ang kapangyarihan kay Juan Maldonado, sinimulan nang sakupin ang mga naninirahan sa ilog ng Morong kasama ang 11 bayan sa baybayin ng Rinconada de Morong, na ngayon ay ang Laguna de Bay. Nasakop noong 1572 ang mga baybayin ng Laguna de Bay ngunit hindi napasuko ang mga nakatira sa Inalsan, ang dating pangalan ng Tanay.
Matapos magmisyon ang mga paring Franciscano na sina Padre Juan de Plasencia at Padre Diego de Oropesa noong 1606, ang Tanay na dating sakop ng Pililla ay naging isang bayan. Ang unang pari rito ay si Padre Pedro de Talavera. Ginawang patron saint ng Tanay si San Ildefonso na isang mabunying Arsobispo ng Toledo, Spain na naging santo.
Sinasabing dalawang beses na sinunog ang simbahan ng Tanay. Ang una ay noong 1620 at sinasabing mga Aeta ang sumunog dito, at ang ikalawa ay noong 1639 at mga Intsik naman ang sumunog.
Matapos ang dalawang sunog, noong 1840, itinayo na ang bagong simbahan ng Tanay sa lugar na kinatatayuan nito ngayon sa kabayanan.
May tatlong altar ang simbahan. Sa pinakagitna ng altar ay naroon ang imahen ni San Ildefonso at ang iba pang imahen ng mga santo. Ganito rin ang makikita sa dalawang altar sa magkabilang gilid ng simbahan. Katabi ng simbahan ang kumbento at ang gusali ng San Ildefonso College.
At nang sumapit ang ika-23 ng Enero 1840, ginanap ang kauna-unahang pistang-bayan na ngayon ay isa nang tradisyon at bahagi ng kulturang ipinagpapatuloy na bigyang-buhay at pagpapahalaga. At ang pagdiriwang ng kapistahan ay bahagi na rin ng pasasalamat ng mamamayan sa mga biyayang natanggap mula sa Poong Maykapal sa patnubay ng kanilang patron saint at patroness na sina San Ildeponso at Mahal na Birhen ng Guadalupe.
At higit sa lahat ng pagkakaisa at pagkakabuklod ng mamamayan.
-Clemen Bautista