Nanawagan kahapon si Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu sa lahat ng ahensiya ng pamahalaan sa palibot ng Manila Bay na sumunod sa environmental law.
Aniya, dapat maging ehemplo ang mga tanggapan ng pamahalaan sa mga commercial establishment at residential area na nasa paligid ng lawa sa pagsunod sa batas, partikular na ang Clean Water Act of 2004 at ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000.
“Manila Bay is in critical condition and proper wastewater discharge and solid waste disposal play a key role to reviving it,” anang kalihim.
Nilinaw ni Cimatu na mahalagang nakakabit sa sewer lines ang mga nakatayong government office sa palibot ng Manila Bay upang masiguro na mayroon silang sariling sewage treatment plant para sa tamang wastewater disposal.
Binalaan din niya ang mga ito na pangasiwaan ang kanilang solid waste upang mabawasan ang mga basurang naitatapon sa mga landfill at karagatan.
Malaking problema, aniya, sa pamahalaan ang solid waste o iba’t ibang basura dahil madali lang naitatapon ang mga ito sa iba’t ibang lugar.
Matatandaang nagdesisyon na ang DENR na wakasan na ang pagtatapon ng mga establisimyento ng untreated wastewater sa mga ilog na maiaagos hanggang sa Manila Bay.
-Ellalyn De Vera-Ruiz