UMUUSAD na ang pagpapaganda sa Clark International Airport, kasunod ng isinagawang groundbreaking sa bagong terminal building, na kapag nakumpleto na ay kakayaning tumanggap ng hanggang walong milyong pasahero kada taon. Nasa pusod ito ng pangunahing programang pang-imprastruktura sa Luzon na kinabibilangan ng mga expressway patungong hilaga at silangan.
Masosolusyunan nito ang hindi na kinakayang responsibilidad ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA), na dahil iisa lang ang runway ay matagal nang nagdurusa sa dagsa ng libu-libong pasaherong dumarating at umaalis sa bansa araw-araw sa pangunahing paliparan. Isa pang bagong paliparan sa Bulacan ang inaprubahan na rin ang konstruksiyon, bagamat medyo matatagalan pa bago magamit ito. Handa at nagagamit na ang paliparan sa Clark, na may dalawang malalaking runway na naging kapaki-pakinabang noon sa mga operasyon ng United States Air Force sa East Asia.
Inihayag kamakailan ng Bases Conversion Development Authority (BCDA) na napili na nito ang nanalong bidder na 25 taong mangangasiwa at magmamantine sa Clark Airport, sa kasalukuyang passenger terminal nito at sa kinukumpleto na bagong terminal. Ang nanalong bidder, ang North Luzon Airport Consortium (NLAC), ay sasandig sa malawak na karanasan ng Changi Airport ng Singapore.
Inabot ng pitong buwan, simula Mayo hanggang Disyembre, ang pagkumpirma sa NLAC bilang katuwang mula sa pribadong sektor. Matapos ang limang pagpapaliban at pagbabago sa mga kuwalipikasyon, karamihan sa mga kumpanyang lumahok sa bidding ay naalis na. Hinimok si Pangulong Duterte na alamin ang dahilan ng pagkaantala at ang mismong proseso ng pagpili sa bidder, dahil naging matagumpay ang mabusising pagtatakda ng kuwalipikasyon sa pagtatanggal sa maraming bidder. Sa huli, nitong Disyembre 21, 2018, iginawad ng BCDA ang kontrata sa North Luzon Airport Consortium.
Kinuwestiyon ng Alliance for Consumer and Protection of Environment, Inc. ang bidding, at tinukoy ang napakaraming pagbabago sa Instructions to Bidder at ang paulit-ulit na pagbabago sa petsa ng pagsusumite. “The unreasonable specific terms seem to deliberately favour one bidder... The winning bidder was unopposed at the end of the bidding,” giit ng Alliance.
Hindi magiging maganda kung magsisimula ng operasyon ang bagong pamunuan ng Clark Airport nang hindi pa nabibigyang-linaw ang mga pagdududang inilahad ng Alliance. Maaaring igiit ng BCDA na natugunan ang lahat ng legal requirements, subalit dapat lang na sagutin nito ang mga katanungang hindi maaaring malinawan ng paggagawad sa kontrata.
Inaasahan natin ang pagkakaroon ng panibagong sigla sa paglalakbay sa Pilipinas sa lubos na serbisyong maihahatid ng Clark, makalipas ang maraming taon ng pagpapabaya, subalit mahalagang makipagsabayan dito hindi lang ang mga pinaplanong expressway sa hilaga at sa silangan, kundi maging ang mabibilis na tren sa katimugang bahagi ng Metro Manila na nananatiling sentro ng pulitika, ekonomiya at kultura ng bansa.