Dikit ang laban ng mga boto ng “Yes” at “No” sa paunang bilangan ng mga boto sa Cotabato City kaugnay ng plebisito nitong Lunes, para sa ratipikasyon ng Bangsamoro Organic Law o BOL.
Nang mag-recess ang Cotabato City Plebiscite Board of Canvassers ngayong Martes ng tanghali, nabilang na nito ang mga boto sa 159 mula sa kabuuang 374 na clustered precincts.
Natukoy sa resulta na 13,484 ang bumoto ng “Yes” at 13,681 naman ang bumoto ng “No”.
Nasa 27,165 ang kabuuang bilang ng mga botante.
Sa press conference ngayong Martes ng umaga, sinabi ni Commission on Elections (Comelec) Spokesman James Jimenez na nagsimula ang pagbibilang sa mga boto sa Cotabato City bandang 10:00 ng gabi nitong Lunes.
“They were awaiting the arrival of the ballot boxes as per instruction of the Comelec en banc. We have to wait for the arrival of the ballot boxes,” ani Jimenez.
Nag-recess ang canvassing bandang 1:30 ng umaga, at ipinagpatuloy ng 6:00 ng umaga sa Shariff Kabunsuan Cultural Center.
“The canvassing will continue today. Of course, they will recess from time to time but it will continue after all the 374 results are canvassed,” sabi ni Jimenez.
Kapag nakumpleto na ang mga resulta, direkta nang ita-transmit ang mga ito sa main office ng Comelec sa Intramuros, Maynila, ayon kay Jimenez.
Kasabay nito, isinasagawa rin ang provincial canvassing. Ayon kay Jimenez, pagsapit ng 7:00 ng umaga ngayong Martes ay halos tapos na ang canvassing para sa Maguindanao, sa ARMM Regional Library sa loob ng main auditorium ng Shariff Kabunsuan Cultural Center.
Gayunman, inihayag kahapon ni Philippine Army 6th Infantry Division (6th ID) Commander Major General Cirilito E. Sobejana na lamang ang botong “Yes” sa isinagawang plebisito, partikular na sa Maguindanao.
“A slow acceptance of the ‘Yes’ vote win was monitored. Comments are mostly on the apprehension on the upcoming changes once the law is finally ratified,” sabi ni Sobejana.
Samantala, target ng Comelec na matapos ang canvassing sa loob ng isang linggo.
“Our target is one week. That really depends on the travel of the election returns,” sinabi ni Comelec Chairman Sheriff Abas sa isang panayam matapos na mag-convene ang National Plebiscite Board of Canvassers (NPBOC) sa Intramuros ngayong Martes.
Kaagad din namang sinuspinde ang sesyon dahil wala pang certificate of canvass.
“We just opened it so that our proceedings will be continous. We will canvass whatever comes in,” ani Abas.
Ipagpapatuloy ng Board ang sesyon nito, sa ganap na 1:00 ng hapon bukas, Enero 23.
Zea C. Capistrano, Francis T. Wakefield, at Leslie Ann G. Aquino