Pinasabugan ng granada ng dalawang hindi nakilalang lalaki ang bahay ng isang hukom nitong Linggo, bisperas ng plebisito para sa ratipikasyon ng Bangsamoro Organic Law (BOL), sa Cotabato City. 

Sa pahayag ni Cotabato City Police Station 6 commander, Chief Insp. Efren Salazar, ang pagsabog ay naganap sa compound ng bahay ni Judge Angelito Rasalan, 53, nakatalaga sa Municipal Circuit Trial Court sa Upi, Maguindanao, sa Barangay Rosary Heights, Cotabato City, dakong 9:10 ng gabi.

Sinabi ni Salazar na binanggit ni Rasalan na dalawang granada ang ibinato ng dalawang hindi nakilalang lalaki na sakay sa motorsiklo sa bubungan ng kanyang bahay, ngunit gumulong ang mga ito at sumabog sa bakuran.

Walang iniulat nasugatan o nasaktan sa insidente, ayon kay Salazar.

National

Eastern Samar, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Isang safety pin at grenade lever ang narekober ng mga imbestigador sa pinangyarihan ng pagsabog.

Naniniwala naman si Rasalan na ang pag-atake ay bunsod ng kanyang pagtutol sa pagkakasama ng Cotabato City sa lilikhaing Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Sinabi pa ni Salazar na tinutukoy pa nila ang mga suspek sa insidente.

Iniimbestigahan na rin ng Commission on Elections (Comelec) ang insidente.

Nais na matukoy ng poll body kung may kaugnayan ang pagpapasabog sa bahay ng hukom sa idinaos na plebisito kahapon.

Aalamin din ng Comelec kung kinalaman ang insidente sa trabaho ni Rasalan.

-Fer Taboy at Mary Ann Santiago