INILABAS ngayong linggo ng isang pandaigdigang samahan, na binuo para sa layuning labanan ang plastic na basura sa buong mundo, ang isang pahayag na dapat ikapangamba nating mga Pilipino.
Sinabi ng Alliance to End Plastic Waste (AEPW) na mahigit 90 porsiyento ng basura sa katubigan ng mundo ay mula sa sampung ilog at higit kalahati ng mga plastic mula sa kalupaan na napupunta sa mga karagatan ay nanggagaling sa limang bansa sa Asya—China, Indonesia, Pilipinas, Thailand, at Vietnam.
Ang alyansa ay binuo ng 28 kumpanya nitong Miyerkules—kabilang ang Proctor & Gamble, Kraft, Nestle, Unilever, at Henkel—na nangakong gugugol ng $1.5 billion sa susunod na limang taon para sa pagbuo ng waste collection infranstructure, pag-develop ng mga teknolohiya para sa recycling at muling paggamit ng mga basura, pagbibgay impormasyon sa pamahalaan at lokal na mga komunidad, at paglilinis ng mga pinakamaruruming lugar.
Ang balita ng organisasyon ng alyansa ay sinundan nang sumunod na araw, Huwebes, ng panibagong ulat na nagpapakita rin sa lumalalang problema ng mundo sa kapaligiran ang publikasyon ng isang pag-aaral sa The Lancet of London, isa sa pinakamatanda, pinakaprestihiyoso, at pinakakilalang general medical journal.
Inilimbag ng The Lancet ang 50 pahinang pag-aaral na nagsasabing halos isang bilyon tao sa kasalukuyan ang nagugutom habang ang dalawang bilyon ang labis ang pagkain ng mga maling pagkain—labis na pulang karne at labis na asukal—na nagdudulot ng epidemya ng obesity, heart disease, at diabetes.
Ito ang pagkaing inilalabas ng agrikultura ng mundo, na nag-iisa ring pinakamalaking naglalabas ng mga mga greenhouse gases, ang pinakamalaking nag-iisang sanhi ng pagkawala ng biodiversity, at pangunahing nagdudulot ng pagdami ng mga algae na tumutubo sa mahahabang baybayin at sa mga daanan ng tubig sa buong mundo. Malaking bahagdan ng greenhouse gas methane ang inilalabas ng mga baka, habang ang mga kagubatan na nakatutulong sa pagsipsip ng mga carbon at paglabas ng oxygen, ay pinuputol naman at kinakalbo upang tayuan ng mga rantso.
“We can no longer feed our population a healthy diet while balancing planetary resources,” pahayag ni The Lancet editor in chief Richard Horton. “For the first timw in 200,000 years of human history, we are severely out of sync with the planet.”
Sa kaparehong linggo sa Amerika, inilabas ng US journal science ang resulta na nagpapakitang ang mga karagatan ng mundo ay mas mabilis na umiinit kumpara sa unang inasahan. Sinabi rito na ang labis na init mula sa mga sinusunog na mga panggatong (fossil fuels)—uling, natural gas, langis at uri nitong gasolina at diesel--- na pumapalibot sa mundo at nasa 93% ng init na naiipon sa mga karagatan ay nagdudulot ng pagtaas ng tubig at pag-akyat ng lebel ng karagatan. Isinisisi rin sa mainit na karagatan ang dumadalas na matitinding bagyo na nananalasa sa maraming bansa, kabilang tayo.
Tayo sa Pilipinas ay unti-unting nagiging mas malay sa ating kapaligiran, lalo na sa polusyon na sumisira sa ating mga natural na yaman at sa kagandahan ng ating mga isla. Matapos nating linisin ang Boracay, isinusunod na natin ang paglilinis ng Manila Bay makalipas ang isang siglong pagbabalewala.
Kailangan na nating simulang tingnan ang iba pang bahagi bukod sa polusyon dulot ng mga imburnal. Tiyak, kinakailangang may gawin tayo tungkol sa natuklasan na ang Pilipinas ang ikatlong pinakamalaking pinanggagalingan ng mga plastic na basura na patuloy na natatambak sa mga karagatan ng mundo, na nagbibigay panganib sa mga yamang dagat at sa buhay ng sangkatauhan.