Bilang unang presidente ng bansa na nagmula sa Mindanao, kumpiyansa si Pangulong Rodrigo Duterte na makatutulong ang Bangsamoro Organic Law (BOL) upang ganap nang matuldukan ang ilang paulit-ulit na mga insidente ng karahasan sa rehiyon, at tuluyang maiangat ang ekonomiya nito.

Isang araw bago ang plebisito upang pagpasyahan ang ratipikasyon sa BOL, sinabi ni Cabinet Secretary Karlo Nograles na sinusuportahan ni Duterte ang nasabing batas na inaasahang magbibigay-daan sa tunay na kapayapaan at kaunlaran sa Mindanao.

BAGONG MINDANAO

“Like you and me, the President is a son of Mindanao. We all grew up under the specter of armed conflict and witnessed firsthand how this has claimed lives, crushed hopes, and destroyed futures,” sinabi ni Nograles sa pagbisita kamakailan sa Sulu.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

“Like all of you, President Duterte wants this cycle of violence to end. He also wants the children of the Bangsamoro, the children of Mindanao, and the children of our nation to grow up in a country where Mindanao is peaceful, prosperous, and progressive,” dagdag ng dating kongresista ng Davao.

Layunin ng BOL na lumikha ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao na may mas malawak na fiscal autonomy at teritoryo, kapalit ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) na nilikha halos tatlong dekada na ang nakalipas. Ang nasabing batas ay bahagi ng kasunduang pangkapayapaan ng gobyerno sa Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Idaraos ngayong Lunes, Enero 21, at sa Pebrero 6, ang plebisito sa mga lugar na panukalang saklawin bilang mga teritoryo ng bagong regional government upang kumpirmahin ang suporta ng mga ito.

Nitong Biyernes, personal na nagtungo sa Cotabato City si Duterte upang himukin ang mga taga-Mindanao na makibahagi at bumoto sa plebisito.

‘UNANG HAKBANG’

Sinegundahan din ni Vice President Leni Robredo ang pangangampanya ni Duterte para sa BOL.

“Dapat alam ng lahat hindi ito (BOL) ang solusyon. Hindi ito kasagutan sa lahat ng tanong, pero ito ay unang hakbang pa lang,” sinabi kahapon ni Robredo sa kanyang programa sa RMN dzXL.

“Nangangampanya tayo na sana maipasa ito dahil hindi naman ito solusyon ng lahat pero unang hakbang para iwanan na ‘yung hindi pagkakaintindihan noong nakaraan at pagtulong-tulungan paano mapapabuti ‘yung Muslim Mindanao.

“Sana tingnan ito na pagkakataon na maririnig ‘yung boses nila. Kaya ‘yung pinakamahalaga sa lahat sumali, sumali sa plebisito para madinig ‘yung boses,” dagdag pa ni Robredo.

Inaasahan naman ng Commission on Elections (Comelec) na maraming botante—aabot sa 75 porsiyento—ang makikibahagi sa plebisito ngayong Lunes, na isasagawa sa sa mga lalawigan sa ARMM, sa Isabela City, Basilan, at sa Cotabato City.

“Historically speaking, elections in that region (ARMM) have enjoyed high turnout rates,” sabi ni Comelec Spokesman James Jimenez. “So we expect that there would be high voter turnout.”

BOTANTENG EVACUEES

Para sa plebisito, naihanda na rin ang iba’t ibang sasakyan na magbibigay ng libreng sakay sa mga botanteng evacuees na taga-Marawi City, Lanao del Sur na nananatili pa rin sa evacuation centers sa Iligan City at Cagayan de Oro City.

Ayon sa mga tagasuporta ni Marawi City Mayor Majul Gandamra, naglaan ang alkalde ng ilang pampasaherong van at jeep upang magbigay ng libreng round-trip transportation sa mga botante ng siyudad na nasa mga evacuation center para makaboto sa plebisito.

Susunduin ng libreng sakay ang mga botanteng evacuee sa Pangcoga terminal sa Cagayan de Oro City at sa lumang Gaisano mall sa Iligan City simula 6:30 ng umaga ngayong Lunes.

-GENALYN D. KABILING, ulat nina Raymund F. Antonio,Leslie Ann G. Aquino, at Ali G. Macabalang