NAGPAHAYAG at nagpaabot ng matapat na pasasalamat ang mga taga-Angono, Rizal at ang mga environmentalist sa pamahalaang-bayan sa patuloy na pangangalaga sa ilog ng Angono. Nagpasalamat din ang mga mamamayan na nakatira sa mga barangay sa tabi ng ilog tulad ng Barangay Poblacion Ibaba, Bgy. Poblacion Itaas, Bgy. San Vicente at Bgy. San Roque. Ang naturang ilog ay nasa pagitan ng nasabing mga barangay. Ang tubig sa ilog ay nagmumula sa bundok at nagtutuloy sa bukana ng Laguna de Bay sa Sitio Wawa na bahagi ng Bgy. Poblacion Ibaba.
Ang ilog noon ay malalim at mabilis ang agos ng tubig. Naipapasok sa ilog ang mga bangka ng mangingisda sa Laguna de Bay. Naigagantong sa ginawang gantungan na karaniwang nasa duluhan o tabing-ilog malapit sa bahay ng mangingisda. Ang tubig sa ilog ng Angono ay nagmumula sa bundok na marami pang punongkahoy. Walang mga subdivision sa ibaba at paanan ng bundok na noon ay malawak na bukirin.
Ngunit dahil sa agos at ragasa ng kaunlaran, unti-unting nawala ang mga bukid at naging mga subdivision na nagsulputang parang kabute sa tag-ulan. Ang ibang may-ari ng bukid na katabi ng subdivision ay napilitan na ring ipagbili ang kanilang lupa. Bunga nito, nawala na ang mga bukid sa Angono.
Sa paglipas ng panahon, nawala na rin ang mga magsasaka. Ang iba’y tumanda at yumao na. Gayunman, kapag pista ni San Isidro tuwing ika-15 ng Mayo, hindi nawawala ang pagpapahalaga sa mga magsasaka. Ang mga anak, apo at iba pang kamag-anak ng magsasaka ay aktibong lumalahok sa pagdiriwang ng pista ni San Isidro at sa pagbibigay-buhay sa mga tradisyong kaugnay ng kapistahan at pagdiriwang.
Sa ilog din ng Angono naliligo ang mga batang taga-Angono. Marami sa kanila ang natutong lumagoy. Ang iba namang hindi marunong lumangoy ay matiyagang tinuruan ng kanilang mga kapatid at ibang kabataan na siyang marunong. Ang tubig sa ilog ng Angono ang iniinom ng mga inalagaang mga itik ng taga-Angono na inilalagay sa batyang may suso, na isa sa pangunahing pagkain ng mga itik. Sa pakikipag-usap ng inyong lingkod sa mga taga-Angono na nag-alaga ng mga itik, sinabi nila na ang tubig sa ilog ng Angono ay malinis kaya ito ang ginagamit nilang inumin ng mga alagang hayop. Ang pag-aalaga ng mga itik sa Angono ay nagsimulang manamlay mula noong dekada ‘80. Sa pag-Aalaga ng mga itik, maraming taga-Angono ang gumanda ang buhay. May mga magulang na napagtapos sa kolehiyo ang kanilang mga anak at nagkaroon ng hanap-buhay at magandang trabaho.
Sa ngayon, wala nang nag-aalaga ng mga itik sa Angono. Sa Bgy. Tayuman, Binangonan na malapit din sa Laguna de Bay ay may nag-aalaga pa rin ng mga itik na nagsisilbi nilang hanap-buhay gayundin sa Cardona, Rizal pati na sa ilang barangay nito na nasa Talim Island, na ang pangunahing hanapbuhay ay pag-aalaga ng mga tilapia at bangus sa fish cage at fish pen.
Patuloy ang pangangalaga ng pamahalaang bayan sa ilog ng Angono. Ngayong tag-araw, patuloy ang ginagawang pagpapalalim ng ilog. Ang pangunahing layunin ng pagpapaluwang ng bukana ng ilog ay upang mapabilis ang agos ng tubig sa ilog kapag bumabaha sa panahon ng tag-ulan at upang maiwasan ang pag-apaw ng tubig sa bayan kapag bumabaha. Lubos naman ang pasasalamat ng mga mamamayan na nakatira sa mga barangay na nasa tabi ng ilog ng Angono.
-Clemen Bautista