KASABAY ng pagdagsa ng mga sumusuporta sa ratipikasyon ng Bangsamoro Organic Law (BOL), nalantad din ang ilang sektor na mahigpit namang tumututol sa naturang batas, na nakatakdang pagpasiyahan sa isang plebisito na idaraos sa Enero 19.

Nangangahulugan lamang na ang ganitong situwasyon ay palatandaan ng isang malusog na demokrasya hinggil sa pagtimbang sa masasalimuot na isyu na marapat lamang timbangin ng mga mamamayan.

Mismong si Pangulong Duterte ang lantarang nananawagan na makabuluhan ang kanyang pagkatig sa naturang batas. Pangunahing adhikain nito ang pagbalangkas ng mga patakaran tungo sa pagtatamo ng

pangmatagalang katahimikan sa Mindanao at mga kanugnog na lugar;

kapayapaan na halos daantaon nang inaasam ng sambayanan. Laging

ipinangangalandakan ng administrasyon na ang BOL ang magiging susi sa

mga kaunlarang pangkabuhayan, panlipunan at katarungan na kailanman ay hindi ganap na natamo ng ating mga kababayan.

Inaasahan na ang ratipikasyon ng BOL ang lilikha ng Bangsamoro Autonomous Region (BAR) na magiging kahalili ng kasalukuyang Autonomous Region for Muslim Mindanao (ARMM). Ang masalimuot na isyung ito ang tila nagiging batayan ng ilang sektor sa kanilang pagtutol sa naturang batas. Bagama’t malawak ang sakop ng BAR, sinasabing ang ilang siyudad, bayan at barangay sa ilang Muslim provinces ang tumatanggi sa pagsakop sa bubuuing rehiyon. Matindi umano ang pagtutol ng nasabing mga lugar sa matuwid na hindi magiging patas ang paglalaan ng epektibong pamamahala o effective governance.

Maging ang ilang grupo, kabilang na ang Philippine Constitution Association (PCA), ay sinasabing may petisyon laban sa pagpapatibay ng BOL. Hindi ko matiyak kung ito ay may kaugnayan sa mga pananaw na ang nasabing batas ay lumalabag sa Konstitusyon. Hindi ko rin matiyak kung may lohika ang mga haka-haka na ang nabanggit na batas ay magiging instrumento sa pagbalewala sa paghahabol ng pamahalaang Pilipino sa Sabah. Hindi ba ang naturang isla ay pag-aari ng Sultanate of Sulu? Totoo ba ang mga sapantaha na ang nasabing teritoryo ay nais angkinin ng Malaysia?

Anuman ang nalantad na masasalimuot na isyu hinggil sa napipintong ratipikasyon ng BOL, ang mahalaga ngayon ay isang matalino, maingat at matapat na pagpapasiya ng mga kalahok sa darating na plebisito. Ang kanilang nagkakaisang tinig ang maituturing na sagisag ng matibay na muog ng katahimikan sa Mindanao.

-Dave M. Veridiano, E.E.