NGAYON ang unang bahagi ng plebesitong magraratipika sa Bangsamoro Organic Law (BOL) na gaganapin sa mga lugar na sakop ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) at mga siyudad ng Cotabato at Isabela. Sa Pebrero naman para sa mga botante ng Lanao del Norte, maliban sa Iligan City, anim na nayon ng Cotabato at iba pang lugar na nagsampa ng petisyon na masama sila sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). Ang ARMM ay papalitan ng BARMM, na mas malawak ang sakop alinsunod sa BOL. Ang BOL ay nakaangkla sa Comprehensive Agreement on Bangsamoro na siyang huling kasunduan hinggil sa kapayapaan sa pagitan ng gobyerno at Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Noong una, ang nakasundo ng gobyerno sa usaping pangkapayapaan ay ang Moro National Liberation Front (MNLF) na pinamumunuan ni Nur Misuari. Nang pamahalaan ng MNLF ang Mindanao, humiwalay ang MILF. Hindi nagdulot ng kapayapaan ang kasunduang ipinasok ng gobyerno sa MNLF. Hindi ngayon maliwanag ang posisyon ng MNLF ukol sa BOL dahil ang kausap ng gobyerno sa pagbuo nito ay ang MILF. “Kahit wala siya dito, napakahalagang bagay siya sa kabuuan ng proseso hindi lang sa Mindanao kundi sa buong Pilipinas,” wika ni Pangulong Duterte sa peace assembly sa Cotabato City sa pagkakampanya para sa ratipikasyon ng BOL. Ang tinutukoy niya ay si Nur Misuari na kanya raw mahal na kaibigan na kanyang kakausapin pagkatapos maratipika ang BOL. Umaasa siya umano na makabubuo sila ng bagong kasunduang pangkapayapaan na makapagbibigay ng benepisyo sa mga Muslim sa Mindanao.
Sa Patikul, Sulu, naroon ang apat na retiradong heneral ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na inatasan ng Pangulo para palakasin sa probinsiyang ito ang “yes” campaign para sa ratipikasyon ng BOL. Sa rally na ginanap sa Mindanao State University, hinikayat nina Defense Secretary Delfin Lorenzana, Security Adviser Hermogenes Esperon Jr., Interior Secretary Eduardo Ano at Peace Adviser Carlito Galvez Jr. ang kanilang tagapakinig na suportahan ang BOL. “Ang nangyayari ngayon ay makasaysayan. Ipamamana natin sa susunod na henerasyon ang maunlad na Mindanao,” sabi ni Sec. Lorenzana, ipinahihiwatig niya ito sa Sulu na noong una ay matindi ang oposisyon sa BOL.
Makasaysayan nga ang plebesitong magraratipika sa BOL. Ginaganap ang halalan sa ilalim ng martial law. Bukod kay Pangulong Digong, ang mga tumutulong sa MILF na mangampanya at mangumbinse ng mga maghahalal para aprubahan ang BOL ay mga dating heneral, pero makapangyarihan sila sa gobyerno.
Bukod dito, siniguro ni Chief of Staff Gen. Benjamin Madrigal, Jr. sa mga botante na may 10,000 tropa ang magbabantay sa lugar ng plebesito. Kung magbubunga ang nilalayong kapayapaan ng BOL, ito ay dahil malaya at kusang loob na naihayag ng mga botante ang kanilang saloobin hinggil dito, at panahon lang ang makapagsasabi. Hindi kasama sa proseso si Misuari na ayon sa Pangulo, ay kritikal na elemento para lubusang matamasa ng Mindanao ang kapayapaan at kaunlaran.
-Ric Valmonte