BUWENAS pa rin ang may 1.5 milyong kawani ng gobyerno kumpara sa libu-libong empleyado ng US government o ang tinatawag na federal employees. Bakit? Ang mga kawani ng gobyerno ng Estados Unidos ay halos isang buwang hindi sumasahod dahil sa banggaan nina US Pres. Donald Trump at ng US Congress na dominado ng Democrats.
Habang isinusulat ko ito, nananatiling shutdown o sarado at walang pasok ang federal employees dahil hindi inaprubahan ang budget ng Kongreso. Nais ni Trump na bigyan siya ng US Congress ng $5.7 bilyon para sa konstruksiyon ng Mexican wall border upang hadlangan ang mga Mexican na makapuslit sa teritoryo ng US.
Salungat sa hangaring ito ni Trump ang US House of Representatives sa pamumuno ni Speaker Nancy Pelosi, isang Democrat. Ang US House of Reps. ay hawak ng Democrats samantalang ang US Senate ay hawak ng Republicans na kaalyado ni Trump. Ang budget ng gobyerno ay nagmumula sa US House of Representatives at ito ang nagpapasa.
Dahil sa shutdown ng mga tanggapan sa US, libu-libong kawani ang hindi sumusuweldo.
Samantala, sa bansa nina Juan dela Cruz, Pedro Pasang-Hirap, Mariang Tindera at Pangulong Rodrigo Roa Duterte, tuloy ang sahod ng mga kawani ng pamahalaan.
Hindi nga lang sila tumanggap ng salary increase sa unang payday noong Martes ng taong 2019. Hindi nila nakamit ang inaasam na pagtataas sa suweldo dahil hindi inaksiyunan ng Supreme Court ang petisyon ng isang grupo ng government personnel na humihiling sa SC na pilitin nito ang Department of Budget and Management (DBM) na i-release ang ikaapat at final tranche ng wage increases para sa mga manggagawa ng Estado.
Samakatwid, buwenas pa rin at higit na mapalad ang mga Pilipinong manggagawa dahil sila ay tumatanggap pa ng sahod kahit walang wage increase kumpara sa mga manggagawang Kano o federal employees na matagal nang hindi sumasahod dahil walang budget bunsod ng alitang-Trump at Kongreso.
oOo
Kung si PNP chief Director General Oscar Albayalde ang paniniwalaan, malinis at hindi sangkot sa illegal drugs ang sinibak na Chief of Police ng Bacolod na si Sr. Supt. Francisco Ebreo. Hindi raw kasama si Ebreo sa drug watch list ng PNP. Tinanggal si Ebreo at apat pang opisyal ng Bacolod City Police dahil umano sa pagpapahintulot sa paglaganap ng illegal na droga sa siyudad.
Ipinatawag ng Pangulo sina Ebreo, Supt. Nasruddin Tayuan, Supt. Richie Makilan Yatar, Senior Insp. Victor Paulino at Senior Supt Allan Rubi Macapagal sa Malacañang. Pinagalitan sila ni PRRD. Ayon kay presidential spokesman Salvador Panelo, galit ang Presidente dahil umano sa pagpapabaya nila sa paglaganap ng illegal drugs sa Bacolod.
oOo
Batay sa huling survey ng Social Weather Stations (SWS), may 2.4 milyong pamilyang Pilipino ang dumanas ng kagutuman sa Fourth Quarter o huling tatlong buwan ng 2018. Sa pagtatanong ng SWS sa may 1,440 adult Filipinos, lumitaw na10.5% o 2.4 milyong pamilya ang dumanas ng gutom sa nakalipas na tatlong buwan ng nakaraang taon. Mas kakaunti ito dahil noon ay 12 milyon ang nagtuturing na sila ay mahirap at gutom.
oOo
Sinisikap ng Duterte administration na pasiglahin at maiangat ang kalagayan sa buhay ng mga Pinoy. Subalit dahil sa pagpapatupad ng ikalawang yugto ng Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) law ngayong 2019, nangangamba ang mamamayan na baka tumaas na naman ang presyo ng mga bilihin at serbisyo at muling umiral ang inflation.
-Bert de Guzman