USAPING The General’s Daughter cinema screening pa rin ang sobrang nakabibinging hiyawan ng supporters ni Angel Locsin, na talagang sinabayan ang suot ng kanilang idolo na naka-camouflage rin at ang T-shirt ay naiimprentahan ng “Team Angel”. Kung hindi kami nagkakamali, tatlong oras bago dumating si Angel ay nasa venue na sila at may mga dalang banner.
Grabe, ang ingay-ingay ng buong cinema level ng Trinoma sa advance screening ng The General’s Daughter. Pati ang mga kumakain sa mga restaurant sa nasabing palapag ay nakiabang din sa pagdating ng buong cast ng bagong teleserye ng ABS-CBN at Dreamscape Entertainment.
Pati nga ang mga manonood ng sine ay nag-abang din bago pumasok sa pelikulang panonoorin nila.
Sobrang overwhelmed si Angel dahil kahit limang taon na siyang nabakante sa pagkakaroon ng sariling teleserye ay ang init pa rin ng pagtanggap sa kanya ng lahat, kaya hindi siya halos makapagsalita habang kinukunan siya ng pahayag bago pumasok sa loob ng sinehan.
Hiningan ng reaksiyon ang aktres tungkol sa pagbabalik niya sa teleserye, at sa powerful cast nitong tulad nina Tirso Cruz III, Albert Martinez, JC de Vera, Paulo Avelino, Eula Valdez, Janice de Belen, Ryza Cenon, Cholo Barretto, Kim Molina, Arjo Atayde, at Maricel Soriano.
“Sobrang nagpapasalamat ako kasi it’s something na napaka-importante sa ‘yo. Ngayon kinakabahan talaga ako at very confident sa project at sa mga katrabaho ko, but siyempre kailangan kong magsikap kasi first time kong makasama sila, kaya kaba-kaba ako.
“Hindi naman kasi normal na may ganitong event talaga at hindi pa rin ako sanay talaga sa mga ganito kaya may kaba talaga,” masayang sagot ni Angel.
May pressure ba sa parte niya dahil mga top caliber ang mga kasama niya sa The General’s Daughter?
“Yes, actually sa lahat ng proyekto dapat naman ay ibibigay mo ‘yung 110% mo. Siguro additional boost lang na kailangan mong mag-perform kasi ang gagaling ng mga kaeksena mo,” sabi ni Angel.
Kailangan ba take-one lahat?
“May mga eksenang kailangan, kasi hindi nagkakamali mga kaeksena ko, eh. Pero wala namang requirement. Maganda lang kung take one kasi ‘yung time rin.”
Nabanggit din naman sa grand media day ng The General’s Daughter na halos lahat ng shots ay take-one.
Oo nga, sa mga nabanggit na artistang kasama sa serye ay bawal ang hindi marunong umarte, dahil tiyak na lalamunin ng kaeksena niya.
Tungkol sa acting ni Angel, iisa ang sinasabi ng lahat: “Hindi nagkamali ang Dreamscape sa pagpili kay Angel sa role. Mahusay talaga siya sa aksiyon, ang galing niya sa fight scenes. Siya lang ang nag-iisang female action star.”
Susme, kung hindi nga lang nagkaproblema sa spine niya si Angel, eh, baka inabot na niya ang tenth degree Dan rank ng black belter.
Congrats, Angel!
-REGGEE BONOAN