Isinailalim na sa Signal No. 1 ang 10 lalawigan sa bansa kasunod ng paghagupit ng bagyong ‘Amang’ habang papalapit sa Surigao del Norte.

21nation02

Sinabi ngayong Linggo ni Ariel Rojas, weather specialist ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), na nakataas na ang Signal No. 1 sa Eastern Samar, Samar, Biliran, Leyte, Southern Leyte, silangang Bohol, hilagang Cebu, Agusan del Sur, Agusan del Norte, Surigao del Sur, Surigao del Norte, Dinagat Islands, at Camiguin.

Aniya, posible ring mag-landfall ang bagyo sa Surigao del Norte o sa Siargao Island.

National

PBBM sa Undas: ‘Let this day of memorial rekindle us to be better Filipinos’

Sa weather bulletin ngayong Linggo ng tanghali, namataan ang bagyo sa layong 165 kilometro sa silangan-hilaga-silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur, o 280 kilometro sa silangan-timog-silangan ng Surigao City.

Taglay nito ang lakas ng hanging 45 kilometers per hour (kph) malapit sa gitna at bugsong hanggang 60 kph.

Nakararanas na ngayon ng malakas na ulan ang Caraga, Northern Mindanao, Eastern Visayas, Davao Oriental, Compostela Valley, Catanduanes, Albay, Sorsogon, Masbate, hilagang bahagi ng Negros Oriental at Occidental, hilagang Cebu, at Bohol.

Ayon kay Rojas, maaaring humina ang bagyo at maging low pressure area (LPA) pagkatapos nitong mag-landfall.

Gayunman, magdudulot pa rin ito ng malakas na ulan sa Eastern Visayas, Bicol at Dinagat Islands bukas, Lunes.

Inaasahang uulanin nang malakas ang Eastern Visayas at Bicol.

Kaugnay nito, suspendido na ang pasok sa Albay at Camarines Sur bukas, Lunes, Enero 21, dahil sa Amang.

Saklaw ng suspensiyon ang klase sa lahat ng antas sa mga pribado at pampublikong paaralan sa mga naturang lalawigan.

Ayon naman sa PAGASA, magdadala ng katamtaman hanggang mabigat na ulan ang Amang sa Caraga, Northern Mindanao, Compostela Valley, Davao Oriental, Eastern Visayas, Central Visayas, Bicol Region, Southern Quezon, Marinduque at Romblon ngayong linggo.

Nagbabala rin ang PAGASA sa mga residente ng mga naturang lugar laban sa posibleng pagbaha at landslide.

Ellalyn De Vera-Ruiz, Mary Ann Santiago, at Niño Luces