NA-CURIOUS kami sa ipinost kamakailan ni Direk Perci M. Intalan sa Facebook na magkakaroon ng one-time screening ang uncut version ng Born Beautiful.
“Born Beautiful is rated R-18 with cuts by the MTRCB. But before we open in cinemas on Jan 23, we will show the full UNCENSORED VERSION for ONE SCREENING ONLY,” post ng direktor.
Pinadalhan namin siya ng mensahe kung ano ang kailangang putulin sa pelikula, gayung R-18 na ang rating nito.
“Mahirap describe nang ‘di mape-preempt. ‘Pag napanood mo na lang, then sabihin ko kung alin,” sagot sa amin ng direktor.
Kaya habang pinapanood namin ang uncensored version ng Born Beautiful sa UP Cine Adarna nitong Biyernes, iniisip namin kung alin sa mga eksena ang ipinapuputol ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB), o kailangang putulin ni Direk Perci.
Maraming love scenes ang pelikula, dahil mayroon ang bidang si Martin del Rosario sa loob ng sasakyan kasama si Akihiro Blanco, bukod pa ang love scene ni Martin kay Kiko Matos sa tricycle. Mayroon din si Martin kay Chai Fonacier.
Feeling namin ay puputulin o kaya ay iiklian ang rape scenes ni Martin sa pastor at sa trainor niya, at ‘yung kissing scenes niya kina Kiko at Akihiro. Masyadong bulgar din ang mga dayalogo ng ibang cast, na bagamat nakakatawa ay malaswa pa ring pakinggan, lalo na ang mga dialogue ni Chai, na ang karakter ay pokpok.
Anyway, kung naaliw ang lahat kay Paolo Ballesteros sa Die Beautiful, ay tiyak na mas maaaliw sila sa TV host-actor sa Born Beautiful, dahil kahit patay na siya sa movie ay may mga eksena pa rin siyang nakakaagaw-pansin.
Mahusay ang lahat ng cast sa pelikula. Nanghihinayang lang kami kay Elora Espano, dahil mahusay siyang artista pero hindi man lang markado ang karakter niya bilang asawa ni Akihiro na pumapayag na i-share ang asawa kay Barbs (Martin).
Panoorin ang Born Beautiful sa Enero 23, handog ng Octobertrain, Cignal at IdeaFirst Company, sa direksyon ni Perci M. Intalan.
-REGGEE BONOAN