ANG sarap maging producer ni Xian Lim, dahil binubusog niya ang mga tao, at kung ano ang kailangan nila ay ibinibigay niya.
Ito ang nalaman namin sa leading man ni Louise delos Reyes sa grand mediacon ng pelikulang Hanggang Kailan, na palabas na sa Pebrero 6, mula sa Viva Films, BluArt Productions at XL8.
Ang XL8 ay pag-aari ni Xian, at kaya raw may otso sa huli ay para sa good luck at infinity.
Ang Hanggang Kailan ang unang movie produced ng aktor kaya tinanong namin kung anong klaseng producer siya.
“This is the first one and the second one is co-production for Cinemalaya this 2019,” say ng aktor.
Mukhang hindi alam ni Xian na puwede siyang maging producer na gamit ang talent fee niya, dahil nu’ng binanggit na puwede itong isosyo, nasambit niya: “Oo nga ‘no? Hmm, puwede rin. Pero naglabas ako rito (budget).
Kumusta siyang producer?
“Sobrang hands-on kasi ako, eh. Artista kasi ako, so ang taas ng level na nararamdaman ko ‘pag may kailangan ang mga tao sa paligid. What makes everyone feel comfortable ibinibigay ko hanggang sa kaya.
“But ‘yun naramdaman ko rin naman from my end na, ‘wala talaga’ pero this time around, kung ako naman po ang kasali sa pelikula at in terms of production hangga’t sa kaya kong ibibigay, ibibigay ko talaga,” masayang kuwento ng aktor.
Hindi raw nag-over budget ang Hanggang Kailan, na inabot ng 15-20 shooting days, kaya biniro namin ang aktor na masaya siguro ang lahat sa production dahil per day ang bayad ng mga ito. Ang ganda ng ngiti ni Xian dahil gets niya ang punto namin.
Samantala, nabanggit din daw niya sa long-time girlfriend niyang si Kim Chiu na gusto niyang mag-produce ng pelikula nilang dalawa.
“Sinasabi ko ‘yan kay Kim, sabi ko, ‘Kim alam mo namang nagtayo na ako ng productions’. And hopefully matuloy, nasa istorya pa rin naman ‘yun, after taking the class of sir Ricky Lee. And matanong kasi talaga akong tao kaya hopefully makagawa ako,” say ni Xian.
Planong maging direktor din ng aktor kaya mahilig siyang sumilip sa camera, at talagang mausisa sa kung anu-ano.
Ang ganda nga raw ng pasok kay Xian ng 2019 dahil ang daming ganap sa buhay niya.
Going back to Hanggang Kailan, inamin ni Xian na marami siyang natutuhan sa leading lady niyang si Louise, lalo na sa point of view kung paano magmahal ang isang babae.
“Martyr kasi si Louise magmahal. Nakita ko ‘yung side sa isang babae na ‘ibibigay ko all out maski masaktan na ako, magmamahal pa rin ako basta kaya ko.’ May nakita akong ganu’n kay Louise kaya sabi ko ‘ah okay ah.’ Bilang lalaki, gusto ko ‘yung ganu’n na ‘pag nagmahal ka 100% talaga,” pagbabahagi ng aktor.
Naibulong din namin kay Xian na mukhang nalilinya siya sa kissing scenes, dahil pagkatapos ng Sin Island at itong Hanggang Kailan at may kasunod pa, ang pelikula nila ni Cristine Reyes na kukunan sa Georgia country, na balitang may matitinding love scenes.
“Ha, ha, ha oo nga, eh,” tumawang sabi ng aktor.
Abangan ang Hanggang Kailan sa mga sinehan sa Pebrero 6, sa direksiyon ni Bona Fajardo.
-Reggee Bonoan