LEGAZPI CITY, Albay – Ibinigay na ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga testigo ang P20 milyong reward kaugnay ng pagkakapaslang kay Ako Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe sa Daraga, Albay, nitong nakaraang taon.

Ito ang kinumpirma ni Ako Bicol Party-list Rep. Alfredo "Pido" Garbin, Jr.

Kabilang aniya sa nakatanggap nito ng testigong si Emmanuel Judavar. Gayunman, hindi na nito binanggit ang pagkakakilanlan ng iba pang mga testigong nabigyan ng pabuya.

"Ni-release na ni Presidente ‘yung P20 million dun sa mga witness. ‘Di ko alam kung papano ‘yung pagpili but definetly the two gunman were not given. Si Yuson at si Arimado, hindi ‘yun binigyan. Unang binigyan yata si Judavar (Emmanuel), ‘yung iba siguro hindi ko na pangalanan kasi hindi ko kabisado," ayon kay Garbin.

Probinsya

Student-athlete, pumanaw matapos ang boxing match

Ibinigay na rin aniya sa kanila ni Negros Occidental Occidental 3rd District Rep. Albee Benitez ang bahagi ng reward na nauna nang ipinangako ng House of Representatives.

Nilinaw din nito na hindi na makikialam ang Malakanyang at ang Kongreso sa inilaang pabuya ng Ako Bicol Party-list at Albay provincial government.

Tiniyak na rin aniya sa kanila ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde na “airtight’ o malakas ang hawak nilang kasong murder at frustrated murder.

"During the security briefing, unang-una, siniguro ni PNP chief Albayalde na "airtight" ‘yung kaso. All the witnesses are in their custody. Talagang siniguro niya na ang mga ito ay nagsasabi ng totoo at nagko-corroborate ang lahat ng kanilang testimonya on material points. Ibig sabihin titindig ang kaso sa korte that will lead to the conviction of the mastermind," pahayag ni Garbin.

Kaugnay nito, binigyan na rin ng PNP ng dalawang police escort ang pamilya ni Batocabe dahil na rin sa panganib sa kanilang buhay.

-Niño N. Luces