NITONG ika-13 ng Enero, inihudyat na ang simula ng election period o panahon ng halalan. Ang halalan ngayong 2019 ay tinatawag ding midterm elections. At sa pagsisimula, muling naging karaniwang tanawin ang mga tarpaulin ng mga kandidato na nagkalat sa mga istratehikong lugar.
Makukulay at makatawag-pansin ang mga tarpaulin. Talagang ginastusan. Magkakasama ang mga larawan ng mga kandidatong mayor, vice mayor at mga nais maging miyembro ng Sangguniang Bayan at Sangguniang Lungsod. Malalaki ang mga tiitk ng pangalan at apelyido ng mga wannabe o ng mga kandidato. Sabi nga ng iba nating kababayan: Ang mga may pangarap at ambisyon na maglingkod sa bayan.
Ayon naman sa ilang mapagbiro, ang ibang wannabe ay gustong magpayaman sa panunungkulan. Dagdag sa tatawaging mga tulisan at mandarambong kapag naging palpak ang kanilang pamamahala at paglilingkod. Bilang parusa, kapag muling tumakbo sa halalan, asahan nang hindi sila tatangkilikin ng taumbayan. Pupulutin na sila sa kangkungan ng pulitika. Siyut sa balde. Kabilang na sa tatawaging mga political lameduck. Mayroon ding nangingibang-bansa kapag natalo sa pulitika. Ayaw nang kumandidato sa susunod na halalan. Inaatupag na lamang ang kanilang hanapbuhay o negosyo. Ang ibang talunan, lalo na ang matindi ang hangaring maglingkod sa bayan, ay muling kumakandidato. May nagtatagumpay sa kanilang pangarap at ambisyon sa paglilingkod. Mula sa pagiging mayor ay nagiging miyembro ng Sanggunain Panlalawigan. May nagiging Kinatawan sa Kongreso ng kanilang distrito. Kung namumukod ang performance, muling inihahalal ng kanyang mga constituent.
Sa panahon ng halalan, bahagi na sa mga lalawigan at bayan na kapag maganda ang performance ng mga imcumbent na mga governor, vice governor, mayor, vice mayor at congressman ay walang nag-aambisyon pumalaot sa pulitika at labanan ang mga incumbent. Kumbaga sa manok na panabong, mangungupete na o ayaw lumaban. Aksayang pera at panahon. Isang malaking kahibangan ang labanan ang malakas na kandidato o pulitikong maganda at maayos ang panunungkulan.
Mababanggit na halimbawa sa Rizal. Ngayong 2019 midterm election, ang imcumbent na gobernador na si Gov. Nini Ynares ay walang kalaban. Gayundin si Vice Gov. Rey San Juan,. Jr. Sa Antipolo, si Gng. Andeng Baurtista Ynares ay ang kandidata sa pagiging alkalde ng Antipolo City. Walang kalaban si Gng. Andeng Bautista Ynares. Siya ang pumalit kay Antipolo City Mayor Jun Ynares. Sa Binangonan, Rizal, ang magkapatid na sina Mayor Cesar Ynares at Vice Mayor Boyet Ynares ay kapwa walang kalaban. Sa ibang mga bayan sa Rizal, ang mga incumbent mayor ay may kalaban. Si Mayor Juric Gacula ay lalabanan ni Vice Mayor Bonoy Gonzaga sa pagka-mayor.
Sa panahon ng halalan, napapalitan ng taumbayan ang mga lokal na opisyal na hindi naging magandang ang pamamahala. Maaaring nagsamantala sa panunungkulan at ang inatupag ay ang pagpapayaman. Namorsiyento sa mga proyektong milyun-milyong piso ang halaga. Ngunit sa mga lokal na opisyal na masasabing matapat, matino at maayos ang pamamahala at panunungkulan, sila’y muling inihahal ng kanilang mga constituent. Binibigyan lagi ng pagkakataon na ipagpatuloy ang kanilang maayos na pamamahala. Sa pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan ng bayan. At higit sa lahat, ang pag-unlad ng bayan.
-Clemen Bautista