Ikinasa na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang ikatlong bahagi ng rehabilitasyon ng Manila Bay sa Enero 27.
Ito ang kinumpirma kahapon ni Undersecretary Benny Antiporda, sinabing naglabas na ng kautusan si DENR Secretary Roy Cimatu kaugnay ng usapin.
Ang paraan, aniya, ng paglilinis sa Boracay Island noong nakaraang taon ay ipatutupad din sa Manila Bay.
Sinabi ni Antiporda na lilinisin ng pamahalaan ang lahat ng ilog at estero na konektado sa Manila Bay.
Irerekomenda rin ng DENR ang pagkakaroon ng waste treatment ng lahat ng establisimyento sa paligid ng Manila Bay.
Sinabi pa ni Antiporda na paaalisin ng pamahalaan ang mga informal settler sa paligid ng Manila Bay, ngunit bibigyan ng malilipatan sa pamamagitan ng housing project ng pamahalaan.
“Makikipagpulong na ang DENR at local government units sa 220,000 apektadong residente na tatamaan ng clearing operations ng pamahalaan,” sabi ni Antiporda.
-Jun Fabon