“GUSTO sanang tanggapin ni Pangulong Duterte ang hamon, pero may sinusunod na protocol security para sa kanyang proteksiyon bilang Pangulo — posisyon na nagtataglay ng mabibigat na responsibilidad na kailangan niya sa pag-asikaso sa problema ng bansa,” pahayag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, bilang reaksiyon ng Malacañang sa hamon ni Bishop Bacani sa Pangulo na lumabas sa publiko nang walang security katulad ng mga bishops na naglalakad na walang bodyguard o bulletproof vest.
Sa panayam sa radyo nitong Martes, hinamon ng bishop ang Pangulo na tinawag nitong “friendly challenge”.
“Katawa-tawa ito at maliwanag na ginawa niya ito sa tanging layunin na makakuha ng publicity,” sabi pa ni Panelo.
Ipinaalala pa nito sa bishop na noong mayor pa ng Davao City ang Pangulo ay nagpanggap itong taxi driver para madakip ang mga kriminal na nambibiktima ng mamamayan. Mag-isa rin umanong naglibot ang Pangulo, sakay sa motorsiklo, upang alamin ang nangyayari sa kanyang nasasakupan. Alalahanin, aniya, na walang tao sa bansa na itinaya ang buhay kapalit ng kalayaan ng hostage victim, kundi ang Pangulo.
Mabigat itong “friendly challenge” ni Bishop Bacani sa Pangulo, na maglakad mag-isa nang walang security. Para bang sinabi niya sa Pangulo na matapang ka lang dahil mayroong kang mga bodyguard. Bakit hindi naman gagawin ni Bishop Bacani ang hamon eh, kamakailan, sa birthday party ni Gov. Antonio Kho sa Masbate, hinikayat niya ang mga istambay na nakawan at patayin ang mga bishop.
“Hoy kayong mga istambay d’yan, kapag may bishop na nagdaan sa harap ninyo, nakawan ninyo siya. Marami siyang pera- son of a bitch. Patayin ninyo siya,” wika ng Pangulo.
Sa palagay kaya ninyo tama iyong sinabi ni Panelo na ginawa lang ni Bacani ang hamon para lamang sa publicity? Bishop din ito, at isa siya mga inginuso ng Pangulo na pagnakawan at patayin.
Sa totoo lang, ininda ito ng Malacañang. Bakit nga ba hindi, eh sinimulan ng Pangulo na mamuno ng bansa na matapang at malupit. Walang batas sa kanya, at ang humarang sa kanyang daraanan ay inaalipusta niya at ginagawan ng hindi maganda. Tingnan ninyo ang ginawa kina dating Chief Justice Sereno at Senador Leila de Lima. Noong sinabihan siya na maghinay-hinay siya sa pagpapairal ng kanyang war on drugs at igalang ang batas at karapatan ng mamamayan, ginamit niya ang kanyang kapangyarihan para mapatalsik si Sereno at maipakulong ang senadora. Ang unang niyang utos sa mga pulis na nagpapatupad ng kanyang war on drugs ay patayin ang lahat ng sangkot sa droga at sagot niya ang mga ito. Kumambiyo siya nang nagkakaaberya na ang pamamaraan ng pagpatay at umalma na ang mga nasagasaan, lalo na iyong mga kamag-anak ng mga inosenteng biktima. Ayon sa Pangulo, pumatay lang ang mga pulis kapag nanlaban ang kanilang inaaresto at nanganib ang kanilang buhay. Ang Commission on Human Rights, na ipinaalala sa kanya ang karapatang ng taumbayan sa due process at presumption of innocence, ay matindi niyang binatikos at inalipusta.
Binu-bully niya ang mga institusyon, katulad ng Commission on Audit na nangangalaga sa salapi ng bayan. Kamakailan, sa groundbreaking ceremony ng Gen. Gregorio del Pilar National High School sa Bulacan, Bulacan, sa harap ng mga guro, pinagbantaan niya na siya mismo ang papatay sa mga nagpapautang ng 5-6 sa mga guro. Isinalang ngayon ang kredebilidad ng tapang at pambu-bully ng Pangulo ng “friendly challenge” ni Bishop Bacani.
-Ric Valmonte