TUNGKOL sa first love ang pelikulang Elisse, na idinirek ni Joel Ferrer for Regal Entertainment, kaya naman sa mediacon ng movie ni Janine Gutierrez ay natanong ang leading man niyang si Enchong Dee kung ano ang hindi makakalimutan ng aktor sa first love niya.
Una nang natanong si Janine, at sinabi ng aktres na hindi naman seryoso ang itinuturing niyang first love, kaya natatawa na lang siya kapag naaalala ngayon ang kanyang first love.
“Actually tama ‘yung sinabi niya (Janine), mababaw lang kasi,” sabi ni Enchong. “I remembered she’s (first love) from Cebu, tapos we met in Naga (City). We competed in Bacolod (City), tapos naghiwalay kami sa Bacolod.
“Parang wala talagang major problem, but basically because you’re young and you’re far from each other hindi (nagtagal). It’s hurtful but it’s beautiful kasi hindi kayo nagkasamaan ng loob, and until now we get to message each other.”
As of now ay single si Enchong, at sabi niya career muna ang prioridad niya, bukod sa businesses at pamilya niya.
May kissing scene sina Janine at Enchong, at best friend ng aktor si Rayver Cruz, na rumored boyfriend ni Janine. Kuwento nga ng aktres, pagkatapos kuhanan ang eksena ay nasambit daw ni Enchong: “I think I lost a friend.”
Natawa si Enchong nang tanungin siya tungkol dito: “Eh kasi naunahan ko pa si Rayver kay Janine.”
Walang paalaman na nangyari kina Enchong at Rayver, dahil sabi ni Janine, siya na lang magsasabi sa rumored boyfriend niya tungkol sa kissing scene.
“Hindi ko na siya inabisuhan kasi baka ipatigil niya ang shooting. Joke lang,” sabi ni Enchong.
“Siyempre iba na si Rayver ngayon, leading man na leading man na,” biro pa uli.
“Siguro pareho rin kami ng sentimyento ni Rayver, na alam namin kapag trabaho ang ginagawa namin at pakiramdam namin, katulad ng sinabi ni Janine kanina, na mas malaki ang tiwala niya sa akin, kasi kaibigan niya rin ako at ganu’n din kay Rayver.
“Pakiramdam ko bilang boyfriend, mas kakabahan ako kung hindi ko kilala ang hinahalikan ng girlfriend ko.
“Kumbaga nakakatuwa kasi call ni Janine ‘yun, pero binigyan niya ako ng pagkakataon na gawin namin ‘yung eksena nang matino, kasi una nagse-celebrate ka tapos biglang kissing scene, tapos paakyat sa kuwarto, ganu’n ang nangyari. Kaya tiwala talaga ‘yung pinakaimportante.”
Samantala, suportado rin ni Enchong at ng isa pa nilang kaibigan na si Gerald Anderson ang paglipat ni Rayver sa GMA 7.
“Kung saan siya masaya, we support him all the way. Lahat naman kami ‘di ba gustong makaipon, para makagawa ng magandang kinabukasan. And pakiramdam ko it was a right choice for Rayver also, that’s why we support him, me, Gerald and other friends that he left in ABS-CBN,” sabi ni Enchong.
Hindi ba naisip ni Enchong na lumipat din ng network?
“Parang hindi naman kailangan pa, kasi naalagaan pa rin tayo nang todo-todo. Hindi naman ako nawalan ng pagkakataong magtrabaho sa ABS and I’m very thankful,” aniya.
Tinanong namin kung anong serye ni Enchong ngayon.
“Wala pa nga, kaya nga wala akong kita, kaya nga nag-T-shirt lang ako ngayon,” biro pa sa amin.
Paano niya nasabing naalagaan kung wala namang serye o regular show?
“I have ASAP, I have my Knowledge channel. Kumbaga, kakatapos ko lang din naman ng The Blood Sisters, pahinga rin. Kasi kumbaga tumatanda na rin tayo,” katwiran ng aktor.
-Reggee Bonoan