NAKIKISIMPATIYA ang lahat sa pamilya ng bagong-kasal na namatay sa Maldives, na iniulat nitong Enero 13. Mas nakalulungkot na sa ganitong sitwasyon, kinakailangang isantabi ng pamilya ng biktima ang sakit na nararamdaman upang harapin ang panibagong problema – ang pagbabayad ng higit kalahating milyong piso upang mailipad pabalik ang labi ng mag-asawa sa bansa.

Ang gastos sa biyahe at ang ‘sealing preparations’ upang matiyak na ‘leak-proof’ ang kabaong ang dahilan ng napakamahal na proseso. Per kilo ang singil ng mga airlines, base sa bigat ng ataol o bag, at ng katawan mismo.

Dagdag pang bayarin ang pagsasaayos sa serye ng mga legal at nakapapagod na proseso sa kaso ng pagkamatay sa ibang bansa. Nakipag-ugnayan ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa Philippine Embassy na nakaistasyon sa lugar kung saan naganap ang insidente upang makuha ang prosesong dapat pagdaanan.

Sa datos mula sa website ng Philippine Embassy, ang mga sumusunod ang kailangang asikasuhin.

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: Mga Bible verse na puwedeng maging kalakasan sa araw-araw

Pagpaparehistro sa patay. Matapos ang pagkamatay, maraming papeles ang kailangang asikasuhin. Kailangang iparehistro ang pagkamatay ayon sa lokal na regulasyon upang makuha ang Certified True Copy ng Report of Death.

Dokumento para sa rehistro. Sa pagpaparehistro sa patay, kinakailangan ang mga dokumento kabilang ang buong pangalan ng namatay, petsa ng kapanganakan, passport number, at maging ang detalye tungkol sa asawa, anak o pamilya.

Para sa pagpapauwi. Kinakailangan ang tulong ng isang funeral director, na siyang mag-aasikaso sa pagpapaembalsamo at paglalagay sa isang zinc-lined coffin, dagdag pa ang bayad dito. Maaaring matagalan ang pag-uwi ng labi ng namatay, lalo na kung kinakailangan ang post-mortem examination.

Kinakailangan din ang iba pang mga dokumento: Certificate of Preparation of the Remains, Certificate of Non-Contagious Disease, Affidavit of Embalming o Affidavit of Packaging of Remains in Dry Ice for International Transportation.

Matapos maisumite ang mga kinakailagan, saka pa lamang maibibigay ang Consular Mortuary Certificate at Report of Death.

Noong una, lumikha ang pamilya at mga kaibigan ng mag-asawa ng isang GoGetFunding page upang makumpleto ang P634,000 halaga na kailangan upang maibalik ang labi nina Leomer Lagradilla, 29, at Erika Joyce, 30.

Gayunman, sinabi ni DFA spokesperson Elmer Cato, na ang ahensiya na ang sasagot sa mga gastusin, matapos makapulong ni DFA Secretary Teodoro Locsin ang pamilya ng mga biktima nitong Enero 15.

Sa kabilang banda, nagpahayag din ang Maldives Ministry of Tourism ng kagustuhan na sagutin ang gastos sa pagpapauwi sa labi ng mag-asawa.

Ililipad muna ang labi ng mag-asawa sa Sri Lanka para sa pagpapaembalsamo bago iuwi sa Pilipinas, ayon sa Philippine Embassy sa Dhaka, ang ahensiya na nag-asikaso ng mga papeles para sa repatriation.

Sinabi din ni Cato na iniimbestigahan din ng mga pulis sa Maldives ang nangyaring insidente sa mag-asawa.

Kapwa nagtatrabaho ang mag-asawa bilang nurse sa magkaibang bansa. Nagpakasal ang dalawa nitong Disyembre 18, 2019, at nitong Enero 9, ay pumunta ng Maldives para sa kanilang honeymoon.

PNA