SA kabila ng matitinding hamon at suliranin, halos tapos na ang mga paghahanda para sa Ati-Atihan 2019 ng Kalibo, Aklan.
Ayon kay Sto. Niño Ati-Atihan Foundation, Inc. (KASAFI) chairman Albert Menez, sa kabila ng kakulangan sa matutuluyang mga hotel at biyaheng eroplano para sa mga turista at debotong sumasaksi nito, bunga ng pansamantalang pagsasara at rehabilitasyon kamakailan ng Boracay, ay halos kumpleto na ang sinimulan nilang mga kahanga-hanga at kakaibang programa para sa Ati-atihan.
Pinakamasidhi ang problema sa transportasyon. Sa mahigit 40 biyahe araw-araw ng eroplano sa Kalibo, lilima (5) lamang ang natitira ngayon - isang Philippine Air Lines at tig-dalawang eroplano ng Cebu Pacific at Air Asia. Nagbukas na muli ang Boracay ngunit hindi pa nanunumbalik ang dating bilang ng biyahe ng eroplano.
Kinikilala bilang “Mother of all Philippine Festivals”, ang Ati-Atihan na idinaraos tuwing ikatlong linggo ng Enero taun-taon, ay umaakit ng libu-libong banyaga at lokal na turista, kabilang ang mga balik-bayan mula sa iba’t ibang panig ng daigdig.
Sa kasaysayan, nag-ugat ang Ati-Atihan ng Kalibo sa maalamat na “Barter of Panay” kung saan may 10 datu ng Borneo at mga tribu nila ang tumakas sa malupit nilang hari noong ika-13 siglo at napadpad ang mga ito sa Panay. Nauna ito sa pagdating ng mga Kastila noong ika-15 siglo.
Natuklasan ng mga datu ng Borneo at mga pamilya nila na magandang pamuhayan ang isla ng Panay na pinaninirahan ng mga “Ati” o Aeta. Upang itaguyod ang pagkakaibigan at maiwasan ang hidwaan, nakipagpalitan sila ng mga kalakal sa mga katutubong Ati na naging daan tungo sa magiliw at mapayapang samahan. Pininturahan pa ng uling ng mga Bornean ang kanilang mga katawan upang maging kakulay nila ang mga Ati.
Nang dumating ang mga Kastila, pinalaganap nila ang Krstiyanismo sa mga katutubo. Ang prisensiya ng Sto. Niño o batang Hesukristo sa gitna ng mga pintoradong mga katutubo, suot ang makukulay at tradisyunal na kasuotan, ay nagpapahiwatig ng pinagsanib na etniko at relihiyosong kultura sa Pista ng Ati-Atihan. Bukod dito, dulot ng makabagong bersiyon ng Ati-Atihan, nahahawig na ito sa mga tanyag na Rio de Janeiro at New Orleans festvals.
Marapat lamang na papurihan ang KASAFI, sina Kalibo Mayor William Lachina, Cong. Lito Marquez at Aklan Gov. Florencio Miraflores sa kanilang walang kapagurang pagsisikap para matiyak ang tagumpay ng Kalibo Ati-Atihan ngayong taon.
Nakalulungkot nga lamang na may ilang mga pulitiko at negosyanteng sinasamantala ang relihiyoso at pangkulturang Ati-Atihan para isulong ang kanilang pansariling interes.
-Johnny Dayang