AYON kay Col. Rowen Tolentino, commander ng Army’s 703rd brigade na nakabase sa Bongabon, Nueva ecija, ang mga komunistang rebelde mula sa Mindanao ay tumutulong sa mga miembro ng New People’s Army (NPA) para paigtingin ang kanilang operasyon sa Nueva Ecija, Aurora at Nueva Viscaya.
Mula noong isang taon, nagtungo umano ang mga rebelde sa Luzon sa gitna ng pinasidhing operasyon ng militar sa Mindanao. Pinangakuan daw ng NPA ang mga na-recruit nilang kasapi ng magandang kalagayan sa Luzon. “Platoon kung lumikas sila sa Mindanao at nagtatago sa bundok ng Sierra Madre at Cordillera sa silangang bahagi ng Nueva Ecija. Bahagi ng kanilang operasyon ay guluhin ang mga mayari ng mga harvester at construction company na hinihingian nila ng revolutionary tax,” sabi ni Col. Tolentino. Aniya, isang harvester, truck at cement mixer ay sinunog nila dahil ayaw ng mga may-ari na magbayad ng revolutionary tax.
Ang patuloy na military operation laban sa mga rebelde, ayon kay Col. Tolentino, ay nagresulta ng kapahamakan sa magkabilang panig. Dalawang rebelde umano ang napatay sa engkuwentro kamakailan sa pagitan ng mga rebelde at sundalo, sa ilalim ng 7th Infantry Division, sa Fort Magsaysay sa Palayan City. Isa namang sundalo ang nasawi nang tambangan ng NPA.
Kung sa puwersa lang nanalig ang administrasyong Duterte para puksain ang mga komunistang rebelde, mabibigo lang ito. Ipinataw na nga ang batas militar sa buong Mindanao, pero, ayon kay Col. Tolentino, lumipat lang sa Nueva Ecija ang mga rebelde nang patindihin ng militar ang operasyon laban sa kanila. Kahit palawakin pa ng Pangulo ang martial law at sakupin ang buong bansa, na siyang dulo nitong pangaraw-araw na nangyayari ngayon, mabibigo ang anumang hakbang na sugpuin ang mga rebelde sa pamamagitan ng karahasan. Wari bang inilalatag ang batayan ng pagpapalawak ng martial law dahil walang araw na walang naiuulat hinggil sa droga at mga napatay dahil dito. Ngayon, inihayag ni Col. Tolentino na ang mga rebeldeng komunista ay nasa Nueva Ecija na upang maiwasan ang pinaigting na operasyon ng militar sa Mindanao. Pero, sakupin man ng martial law ang buong bansa, hindi ito mapatatahimik.
Bakit inutil ang puwersang militar para matupad ng Pangulo ang kanyang pangakong wawakasan ang rebelyong ipinupursige ng CPP-NPA sa pagtatapos ng kanyang termino? Ayon din kay Tolentino, nakaaresto sila ng apat na babae na nagsasagawa ng pagtuturo sa Nueva Ecija. Isa sa mga babae ay estudyante ng University of the Philippines. Isa sa pinaghuhugutan ng lakas ng CPP-NPA ay hanay ng mga estudyante. Kasi, sila ang higit na nakakaalam ng problemang nagpapalugmok sa mamamayan. Laman sila ng kalye at paaralan at higit sa lahat, sila rin ang nakararamdam ng gutom at paghihikahos.
Pero, ang higit na nagpapalakas sa makakaliwang grupo ay ang kaapihan at kawalan ng katarungan. Ang mga polisiya ng administrasyong Duterte ang nagpapalaganap nito. Pumapatay ng mga umano’y sangkot sa droga pero ang droga na dahilan ng kanilang kamatayan ay pinagkakakitaan ng mga makapangyarihan at taong gobyerno. May mga inosenteng tao, na halos lahat ay mahirap, ang napapatay ng malupit na pagpapairal ng war on drugs. Ang mga ito ay nakalugmok sa kahirapan dahil sa napakataas ng presyo ng mga pangunahing pangangailangan at serbisyo. Ginugutom sila ng mga polisiya ng gobyerno, samantalang pinag-aawayan ng kanilang mga lider kung paano nila hahatiin at maibubulsa ang perang para sa kanila.
-Ric Valmonte