SA isang pahiwatig na pagsusulong ng National Ulama Council of the Philippines (NUCP) sa Bangsamoro Organic Law (BOL), umapela ito sa mga botante na ratipikahin ang batas “in the name of peace, development and justice for all.”
Ipinahayag ng NUCP, sa pamamagitan ng mga Ulama members at mga kaugnay nitong Islamic organization, na kailangan nitong makilahok sa information drive upang higit na maipalaiwanag ang BOL, at kalaunan ay tuluyang pagtanggap ng mga tao.
Ang apelang ito, aniya, ay katumbas ng isang tungkuling panrelihiyon, pangangaral upang makamit ang “Islamic liberation” na magpapasigla sa saligang hangarin ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Kung dati’y jihad ang paraan ng mga MILF para makamit ang kalayaan ng mga Moro, isang alternatibong paraan tungo sa mapayapang reporma at pag-unlad ang paraan ngayon ng samahan na katumbas na rin ng isang jihad na nakaayon sa paniniwalang Islam.
Sa kanyang mensahe sa isang pro-BOL ratification rally kamakailan, binanggit ni MILF Chairman Al Haj Murad Ebrahim ang wika ni Front founder Hashim Salamat nang sabihin nitong: “I have planted the seed of Jihad fiy Sabilillah in the minds and hearts of young generations.”
Nakatakdang idaos ang plebesito sa Enero 21 upang ratipikahin ang BOL, at sa Pebrero 6 naman para sa pagbuo ng binabalak na Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Tinanggihan ng Korte Suprema ang pinagsamang petisyon para sa isang temporary restraining order (TRO) laban sa plebesito ng BOL na isinampa ng Integrated Bar of the Philippines at ng gobernador ng Sulu, na nagbibigay daan para sa pagdaraos ng makasaysayang botohan.
Sa ngayon, inaprubahan ng Commission on Elections (Comelec) ang 48 pang petisyon ng mga hindi nakalistang barangay sa BOL para sa paglahok ng mga ito sa ikalawang petsa ng plebesito.
Kumpiyansa ang MILF at ang Bangsamoro Transition Commission (BTC) na siyang nagsulong ng pagpapatibay ng BOL sa Kongreso na mararatipikahan ang batas.
Gayunman, hindi pa lubos ang pagdiriwang lalo’t dalawang lungsod pa—ang Isabela sa Basilan at ang Cotabato sa Maguindanao—ikinokonsiderang ‘poitically important’, ay bumuto laban sa paglahok sa dalawang nakalipas na plebesito at tila hindi pa rin nagbabago ng isip.
Nitong Disyembre 27, magkakasamang bumisita sina Murad at MILF Peace Implementing Panel Chairman Mohagher Iqbal, kasama sina Presidential Peace Adviser Carlito Galvez, Cardinal Orlando Quevedo of Cotabato City at ARMM Regional Governor Mujiv Hataman, sa Isabela para sa isang interfaith rally upang magbahagi ng impormasyon sa libu-libong residente ng lugar kung bakit mahalaga ang BOL para sa kasalukuyan.
Para sa kanyang bahagi sinabi ni Galvez na “the dealings between the military and the MILF in Basilan, became warmer and cozier than at any time in the past” matapos malagdaan ang Malaysia Bangsamoro peace deal noong 2014.
“Now I am standing here as a brother of peace, making sure the peace agreement is well implemented -- starting with the ratification of the Bangsamoro Organic Law,” paliwanag pa niya.
“The BOL is the culmination of our efforts to give our Moro brothers and sisters the opportunity to take ownership of the landmark measure and finally achieve our dream of genuine and meaningful self-governance. More importantly, the law gives due recognition to the identity of all residents living within the Bangsamoro territory. So, whether you are a Moro, Christian, or Lumad, rest assured that your rights and welfare will be protected,” dagdag pa ng opisyal.
PNA