Walang meningococcemia outbreak sa bansa.

Ito ang paglilinaw kahapon ng Department of Health (DoH) kaugnay ng mga kumakalat na balita na isang dalawang taong gulang na babae umano sa Valenzuela City ang nasawi dahil sa naturang karamdaman.

Sa isang pahayag, pinawi ng DoH ang pangamba ng publiko at sinabing walang katotohanan ang naturang balita.

“There is no reported meningococcemia outbreak in the country,” sinabi ng DoH sa isang pahayag.

National

Ilocos Norte, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Gayunman, tiniyak ng kagawaran na masusi nitong iimbestigahan ang naturang pinagsususpetsahang kaso ng meningococcemia, na sinasabing nakitaan ng mga sintomas ng naturang karamdaman.

“Our team has collected laboratory specimens and is still awaiting results, as of this writing. We are closely coordinating with our regional office for contact tracing,” anang DOH.

Nabatid na napagkalooban na rin ng DoH ng post-exposure prophylaxis ang mga taong nagkaroon ng close contact sa bata, at masusing binabantayan ang mga ito laban sa mga sintomas ng sakit.

Una nang inihayag ng pamahalaang lungsod ng Valenzuela na negatibo sa meningococcemia ang naturang pasyente, na taga-Bulacan, at na-admit sa Valenzuela City Emergency Hospital (VCEH) ngunit binawian rin ng buhay.

Bilang precautionary measure ay nagpasya na rin ang VCEH na i-fumigate at i-disinfect ang emergency room nito.

-Mary Ann Santiago