ITO ang birthplace ko. Lahat ng matatanaw ninyo, hindi sa amin, ha-ha-ha! Nakikitanaw din lang kami d’yan. Naririto ang isa sa ilang cells ng native chicken farms na unti-unti kong sinisimulan.

Photo for Sir Dindo

Lahat ng pamilya na gustong mag-alaga ng maraming manok, pangdagdag-kita, binibigyan ko ng puhunan. Ako rin ang bibili sa mga manok na mapapalaki nila, bagong produkto sa meat shop ng pamilya namin sa bayan.

Lakaran ang transportasyon dito. Kung ayaw mong maputikan tuwing tag-ulan, mangabayo o sumakay ka sa kalabaw. Ito ang dahilan kung bakit maaga akong nag-retire sa Manila Bulletin, hindi ko na mababalikan ang lugar na ito—at maaasikaso ang livelihood projects na dream ko rito—kung uugud-ugod na ako.

Events

Lotlot, sinabing pareho nang kumakanta sa langit 'Mommy at Mamita' niya

Sa may bandang kanan, ang unang bahay nina Tatay Julio at Nanay Mely na pinagsilangan sa aming unang apat na magkakapatid.

Hindi puwedeng itayo sa bandang ito ang bahay, dahil pinakaunang sasalpukin ng mga bagyo, na suki ng Bicol. Kailangang nakakubli sa hampas ng hangin ang bahay.

Masisipag ang mga magulang namin, punumpuno ng mga pananim nila ang lugar na ito noong dito pa kami nakatira. Pero kahit tambak ang ani, hindi sumasapat sa mga pangangailangan ng pamilya—lalo na’t binabarat ng middlemen na bumibili.

May matayog na pangarap sila para sa aming magkakapatid, na alam nilang hindi matutupad kung mananatili kami rito. Musikero si Tatay Julio, pero alam niyang walang pera sa arts sa Pilipinas.

“Kahit na ikaw pa ang pinakamagaling,” sabi niya noong nabubuhay pa.

Tinuruan niya ang sarili upang maging livestock at meat dealer, at habang lumalawak ang sinimulang negosyo, nagpatayo siya ng bahay sa Nierva—ang pinakamalapit na commercial center. Apat hanggang limang kilometro, aabutin ng halos dalawang oras na lakaran.

Struggle ang buong buhay nilang mag-asawa, ni hindi nakatikim ng anumang luho, dahil lahat ng kinikita ay sa pag-aaral lang naming magkakapatid itinutok. Pero walang diktahan, kung ano ang hilig at gustong pag-aralan ng bawat anak, iyon ang masusunod.

Utang ko sa malawak nilang pang-unawa ang katuparan ng pangarap kong maging manunulat.

Pareho silang hindi nakapagtapos ng aral, kaya pinabuwelo nila kaming magkakapatid. Kakaunti lang kami, walo lang, hehe....

Napagtapos nilang lahat, maliban sa isang napaagang napasabak sa pagpapamilya.Bakit kailangan kong balikan ang lugar na ito?

May mga dahilan ang Diyos kung bakit sa isang partikular na lugar ka ipinadala. At saka naririto ang mga tao na walang mga pretensiyon sa buhay, kaya itinuturing kong pinakamaliligaya sa mundo. Sa piling nila ako nagsimulang magkaroon ng muwang.

Naririto, sa kawalan ng importansiya, sa piling ng mga taong nabubuhay sa sariling pinagpawisan at walang mga kapwang inaabala at inaagrabyado, may tunay ding kaligayahan.

Sa Pilipinas na kinubabawan at inaalipin na ng celebrity/showbiz culture, na ang kaligayahan ay itinutumbas sa self-importance o mga higanteng ego at pride, gusto kong pag-aralan ang mga karunungan na hindi ko natutuhan sa paaralan.

Alternatibo para sa kabataan na inaakalang kasikatan o pag-aartista ang ultimate dream. Resulta, andami-daming nagiging disposable stars.Patuloy sa paglobo ang populasyon natin, pero pakonti nang pakonti ang kabataang may interes sa agrikultura o food production.

Halos 100%, gustong sa siyudad na manirahan. Pero hindi naman sa siyudad lang natutupad ang lahat ng mga pangarap. May matatagpuan ding kaligayahan sa iba’t iba pang lugar.

-DINDO M. BALARES