Ilan na nga ba silang sumuko at tinapos ang sariling buhay? Bakit kailangang wakasan ng isang tao ang lahat nang hindi natin inaasahan?
Kahapon, ginulantang ang publiko ng isang suliraning nananatiling mahirap unawain para sa marami. Nagimbal ang lahat, partikular ang Facebook users, sa pagpapakamatay ng drummer ng Filipino rock band na Razorback. Naka-Facebook Live si Brian Velasco nang tumalon siya mula sa ika-34 na palapag ng kanyang tunutuluyang condominium tower sa Maynila.
Ayon sa kanyang pamilya, dumaranas ng depression ang drummer.
Ang depression ay isang sakit na maaaring makaapekto sa sinuman. Ayon sa World Health Organization (WHO), mahigit 300 milyong tao sa mundo ang apektado ng mental illness na ito.
Iba ang depression sa karaniwan na pagbabago-bago ng mood ng isang tao, at panandaliang pagbabago ng emosyon na tugon sa mga pagsubok na kinakaharap natin sa araw-araw. Kapag tumagal at lumubha, maaaring itong maging mapanganib na kondisyon sa kalusugan.
Sa datos ng WHO, depression ang nangungunang sanhi ng pagkakasakit at incapacity ng tao sa buong mundo. Maaaring magbunsod ang depression ng matinding epekto sa trabaho, pag-aaral, o sa pang-araw-araw na buhay. At ang pinakamalala, maaaring humantong ang depression sa suicide.
Halos 800,000 tao ang namamatay sa suicide kada taon, ayon sa WHO, at ito ang pangalawang pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga nasa edad 15-29 sa buong mundo.
Sa Pilipinas, na kilala bilang bansa ng masasayahing taon, 3.3 milyong Pilipino, o nasa 3.3% ng kabuuang populasyon, ang nakararanas ng depressive disorder, base sa pag-aaral ng Global Burden of Disease Study noong 2015. Ang Pilipinas din ang may pinakamaraming dumaranas ng depression sa Southeast Asia.
SANHI NG DEPRESSION
Sa website ng Natasha Goulbourn Foundation, isang non-profit organization na layong maghatid ng kaalaman tungkol sa depression, sinasabing hindi pa natutukoy nang lubusan ang sanhi ng sakit na ito. Kalimitang iniuugnay ang depression sa naranasang “stressful events” sa buhay, tulad ng pagkamatay ng isang minamahal, diborsiyo, o pagkatanggal sa trabaho. Maaari ring magdulot ng depression ang sobrang paggamit ng droga, pag-inom ng alak, o pagkakaroon ng isang chronic disease.
SENYALES AT SINTOMAS
Maaaring magkaiba ang nararanasan ng mga taong may depression. Para sa ilan, nakakaramdam sila ng kalungkutan o kawalan ng gana sa mga gawain. Nahihirapang makatulog at walang ganang kumain at nangangayayat. May iba naman na nagsisimula ang depresyon sa pagkain nang marami at madalas na pagtulog. Madalas na nagiging iritable.
Mayroon ding mga tao na may depresyon na madalas magalit, dismayado at pinipilit ang sarili na ituon ang sarili sa trabaho o isang hobby. Maaaring maging suicidal ang isang taong may sakit nito o mag-isip na saktan ang sarili.
Iba-iba ang nararanasan ng mga taong may depresyon. Nagkakaiba ang mga sintomas nito base sa katauhan ng tao, kasarian, kultura, at paraan kung paano ito tinatanggap.
PAANO MALULUNASAN?
Bagamat mahirap maunawaan, maaaring malunasan ang depression. Ang pagkonsulta sa isang mental health specialist ay isang malaking tulong. Maaaring magbigay ang mga ito ng psychological treatments (tulad ng behavioural activation, cognitive behavioural therapy CBT, at interpersonal psychotherapy IPT) o kaya ay antidepressant medication.
Malaking tulong din, ayon ng WHO, ang psychosocial treatments para sa mga taong dumaranas ng depression. Bagamat may mga epektibong antidepressant, hindi ito iminumungkahi para sa mga bata at kabataang may depression.
Ang patuloy na pagbibigay ng impormasyon tungkol sa depression bilang sakit ay malaking tulong upang wakasan ang stigma na iniuugnay sa pagkakaroon nito.
Ang pakikipag-usap sa isang taong pinagkakatiwalaan ng dumaranas ng depression ay isang mahalagang hakbang din. Ibahagi sa isang mapagkakatiwalaan ang iyong nararanasan at nararamdaman.
Nariyan din ang mga national mental hotline na maaaring tawagan, ang (02) 804-HOPE (4673), 0917-558 HOPE (4673) at 2919, at Manila Lifeline centre na (02) 8969191 at 0917-854 9191.
Myca Cielo M. Fernandez