ANO ang kahalagahan ng pagtatalaga ng “election period” na kaiba sa “campaign period”?
Opisyal nang sinimulan nitong Linggo, Enero 13, ang “election period” para sa nakatakdang midterm election sa Mayo 23. Mula sa araw na iyon hanggang Hunyo 12, sinabi ng Commission on Elections (Comelec) na ipinagbabawal sa mga kandidato ang walang permisong pagkakaroon ng mga bodyguard at paggamit ng pribadong militar. Ipinagbabawal din ang paglipat ng empleyado ng mga opisina ng pamahalaan sa civil service at sinususpinde ang mga elektibong opisyal. Maging ang Comelec ay bawal din magpalit o lumikha ng bagong presinto.
Sinimulan na rin ng Comelec ang paglalatag ng mga checkpoint dahil kasabay ng panahon ng halalan ang pagpapatupad ng gun ban, ang pagbabawal sa pagdadala ng mga armas sa labas ng tahanan kahit pa may ‘permit to carry a firearm’ na ibinigay ang Philippine National Police.
Samantala, magsisimula naman ang “campaign period” sa Pebrero 12, para sa mga kandidato sa pambansang puwesto—sa senador at mga party-list. Habang ang panahon ng kampanya para sa mga lokal na kandidato, katulad ng gobernador, alkalde, at mga kongresista ay magsisimula sa Marso 29.
Sa kabila nito, maraming kandidato ang matagal nang nangangampanya na isang pagbalewala sa mga itinakdang panahon ng Comelec. Isang desisyon ng Korte Suprema noong 2013 ang nagtitiyak na walang anumang batas laban sa maagang pangangampanya, lalo’t nakasaad sa RA 9369 na “unlawful acts or omissions applicable to a candidate shall take effect only upon the start of the aforesaid campaign period...”
Nagsisimula na ring maglipana sa mga lasangan ang mga poster at tarpaulin, laman ang mukha ng isang opisyal kasama ang mensahe ng pagbati sa mga residente para sa kapistahan ng bayan o pagbati ng ‘happy holidays.’ Maraming proyekto ang pinasisimulan, mga survey na isinasagawa, o mga opinyon tungkol lahat ng klase ng usapin na ibinibigay ng ilang kilalang personalidad na kumakandidato.
Paulit-ulit nang pinaaalalahanan ng Comelec ang mga kandidato na hindi pa nagsisimula ang panahon ng kampanya, ngunit tila wala namang may pakialam sa nagaganap na mga ribbon cutting, mga pribadong pagsasagawa ng opinion survey, at pagkakabit ng mga poster. Nagbigay ng babala ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) laban sa mga gawaing katulad ng pagpapako ng poster sa mga puno, ngunit dahil paglabag ito sa environmental laws.
Maaaring kailangan nang bigyan ng linaw at ayusin ang lahat ng batas at panuntunan na magbibigay ng kaayusan at rason sa halalan ng Pilipinas. Kinakailangan nang ipagbawal ang maagang pangangampanya para sa interes ng patas na laban, lalo’t nagagawa nang mayayamang kandidato na higit na maipakilala ang kanilang sarili kumpara sa mahihirap lamang. Tunay na kailangan nang irebisa ang kasalukuyang batas.
Sa katunayan, ang pangangampanya sa Pilipinas ay isang buong taon na kaganapan. Ang pangangampanya para magpabango ay nagsisimula sa unang araw ng termino sa puwesto ng isang opisyal. Wala namang masama na gawin ang tungkulin sa paraang ikatutuwa ng mga nasasakupan at maaaring gantimpalaan ng isang ‘reelection.’
Kinakailangan lamang na pagtibayin muli ang batas laban sa maagang pangangampanya. At nariyan din ang pangangailangan na padaliin ang problemang katulad ng pagbibigay katiyakan sa kaibahan ng “election period” sa “campaign period,” na bawat isa ay may sariling ipinagbabawal. At ang lahat ng mga bawal sa panahong itinakda sa halalan ay maaaring malinaw na isaad sa isang simpleng batas.