KUNG may mga hindi natutuwa o pumapalakpak sa umano’y mga biro ni President Rodrigo Roa Duterte (PRRD), ito ay ang mga obispo ng Simbahang Katoliko. Ayon sa kanila, ang “pagbibiro” ng Pangulo na pagnakawan at patayin ng mga istambay (bystanders) ang mayayamang mga obispo ay hindi na nakatatawa.
Para kina Sorsogon Bishop Arturo Bastes at Balanga Bishop Ruperto Santos, hindi na “amusing” o nakatutuwa ang gayong pahayag ni PRRD kundi
“alarming” at nakababahala. Gayunman, naniniwala ang karamihan sa taumbayan na hindi naman siguro totoo sa loob ni Mano Digong ang gayong mungkahi sa mga istambay. Sabi nga ni presidential spokesman Salvador Panelo, dapat masanay na ang mga Pinoy sa pagbibiro ng Presidente. Natural sa kanya ang magbiro.
Sabi ng kaibigan ko, medyo may panganib din ang gayong pahayag ng Pangulo sapagkat maaaring literal na ipakahulugan ito ng mga DDS (Duterte Dedicated Supporters) at biglang salakayin ang mga obispo o pari na makita nilang lumalabas sa simbahan o naglalakad sa kalye.
Badya ni Bishop Bastes: “Again, his mouth has uttered absolutely silly things! And his “fans” consider his murderous words as a mere joke! Is it a joke to advice people to kill.” Nalulungkot ang obispo dahil ang ganitong pahayag ay mula sa pinakamataas na lider ng bansa.
Para naman kay Bishop Santos, hindi ito nakatatawa na dapat palakpakan ng mga nakikinig (audience), sa halip dapat itong kondenahin. “Isinusulong nito ang kriminalidad at lawlessness. It is immoral authority and does not respect life and teaches wrong values,” anang obispo. Ulitin natin, biro lang daw ito para bigyang-diin ang kaipokrituhan at kalaswaan ng ilang mga pari, obispo.
Batay sa 2018 4th Quarter self-rated survey ng Social Weather Stations (SWS) nitong Disyembre 15-19, 2018, lumilitaw na 50 porsiyento ng mga pamilyang Pilipino ang nagtuturing sa mga sarili na mahirap pa rin. Ito ay dalawang puntos na mababa kumpara sa September 2018 na 52%.
Aminado ang Malacañang na kailangang kumilos at magsikap pa ang gobyerno upang mapawi ang kahirapan at mabigyan ng ginhawa ang mga mamamayan. Sinabi ni Panelo na mataas pa rin ang porsiyento ng kahirapan ng mga Pinoy. Sisikapin daw ng Duterte administration na lunasan ang situwasyon sa pamamagitan ng pagpapasigla sa ekonomiya upang makalikha ng maraming trabaho, mapababa ang presyo ng mga bilihin at serbisyo at ang inflation.
Basta tungkol sa sex, ang daming nararahuyo, nagkakasala at nabubulid sa kasalanan. Tingnan ang nangyari sa mga ninuno nating sina Adan at Eba (Adam and Eve). Tinukso ng ahas si Eba na kainin ang “bunga” ng isang puno na ibinilin ng Diyos na huwag kainin. Natukso si Eba at ipinakain din ang “prutas” sa ginoong Adan.
Ang pagkain ng “bunga” o “prutas” ng bawal na puno, ayon sa Biblical experts, ay isang talinghaga na ang ibig sabihin ay “pagtatalik” ng nunong Adan at Eba. Ganito rin ang nangyari ngayon sa Commander ng US Navy submarine (USS Bremerton) na tinanggal sa serbisyo noong Agosto, kasunod ng pag-amin niya na nag-hire o kumuha siya ng female prostitutes habang nakadaong ang vessel sa Subic Bay noong Marso 1,2018. Siya ay si US Navy Capt. Treves Zettel. O, sex layuan mo kami!
-Bert de Guzman