Umaabot na sa mahigit 74,000 fuel subsidy cards ang naipamahagi ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga lehitimong may-ari ng prangkisa ng mga public utility jeepney (PUJ) sa bansa, alinsunod sa Pantawid Pasada program ng kagawaran.

Ayon sa DOTr, simula Hulyo 2018 hanggang Enero 14, 2019 ay umabot na sa kabuuang 74,498 ang Pantawid Pasada fuel subsidy cards na naipamahagi nito.

Bawat isang card ay nagkakahalaga umano ng P5,000, kaya ang halaga ng mga naturang fuel subsidy cards ay may katumbas na kabuuang halaga na P372,490,000.

Enero 14, 2019 lang muling ipinagpatuloy ng pamahalaan ang pamamahagi ng naturang subsidiya.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Inaasahan namang magtatagal ito hanggang sa Biyernes, Enero 18, mula 9:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon.

Ayon sa DOTr, ang mga nais mag-claim ng fuel subsidy cards ay dapat na magdala ng mga valid ID, isang ID picture, kopya ng decision/CPC at photocopy ng OR (latest) at CR sa tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) sa East Avenue, Quezon City.

Sa ilalim ng Pantawid Pasada Program, pinagkakalooban ng pamahalaan ng tig- P5,000 subsidiya sa petrolyo ang mga PUJ operator at driver upang makaagapay ang mga ito sa pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa, na epekto ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.

-Mary Ann Santiago