ANG halalan o eleksiyon, lokal man o pambansa ay ang panahon na hinihintay ng marami nating mga kababayan. May mga dahilan ng kanilang paghihintay tulad ng kagustuhan nilang mapalitan na ang mga bugok at tiwaling sirkero at payaso sa pulitika.
Sila ang mga inaayawan at halos isuka ng mamamayan sapagkat hindi naging maayos ang kanilang ginawang pamamahala sa bayan. Hindi naging katanggap-tanggap sa ating mga kababayan ang ginawa nilang pananamantala sa katungkulan, pamamahala, at kanilang pagkamal ng limpak na salapi. Dahil dito, ang tanging magagawa ng mamamayan ay palitan sila sa panunungkulan.
Sa Mayo na idaraos ang local at national election. Isang magandang pagkakataon ito para patalsikin o sipain sa poder o kapangyarihan ang mga tiwali. Palitan ng marurunong, matitino at mga maaasahan sa mahusay na paglilingkod. Sa mga lokal na opisyal na maganda ang performance, bilang gantimpala, muli silang ihalal upang ipagpatuloy ang maayos nilang paglilingkod.
Nagsimula na ang election period nitong Enero 14, 2019. Sa mga bayan sa lalawigan at lungsod, ang Commission on Elections (Comelec) ay nagpatupad na ng mga checkpoint at gun ban o ang pagbabawal sa pagdadala ng baril sa mga kandidato, bodyguard o mga tauhan ng pulitiko at maging sa ating mga kababayan. Ang election gun ban ay mahigpit na ipinagbabawal. May parusang pagkakulong ang mahuhuling magdadala ng mga baril, maging sa mga kandidato at sibilyan man.
Sa simula ng election period, tulad ng inaasahan, ang mga supporter ng mga kandidatong mayor, vice mayor, at mga miyembro ng Sangguniang Bayan ay naghahanda na sa gagawin nilang house to house campaign kasama ang mga kandidatong gustong maglingkod sa bayan. Makikita na kung saan-saan ang ang mga larawan ng mga kandidato. Nakasabit ang makukulay na tarpaulin ng mga mukha ng mga sirkero at payaso sa pulitika.
At kapag malapit na ang halalan, asahan na ng ating mga kababayan na maririnig na sa mga lumilibot na sasakyan mga political jingle ng mga kandidato. May iba’t ibang anyo at mukha ang kampanya ng mga local candidate kapag nagsimula na ang kanilang pangangampanya. Hindi rin maiwasan na kandidato na magpahayag ng kanilang mga pangako. Ngunit sa pananaw ng iba nating mga kababayan, ang pangako ng mga kandidato ay mahirap paniwalaan sapagkat naniniwala sila na ang kampanya sa pulitika sa panahon ng halalan ay paglalako ng kasinungalingan at pagsasabi rin ng katotohanan.
Ang panahon ng kampanya ng mga local candidate sa bayan, sa lalawigan at lungsod ay masasabing naiiba at natatangi, lalo na kung mahigpit ang labanan. Kung minsan at may pagkakataon din na magkainitan ang mga lider at supporter ng mga ito.
Nangyayari din na mismong ang mga kandidatong magkalaban ang nagbabatikusan sa kanilang mga talumpati. At kung utak-pulbura ang pulitiko at mga supporter, tinatambangan o pinapatay ang kalabang kandidato.
Sa simula ng kampanya sa halalan, iwasan sana na maging mainit ang ulo ng mga kandidato at kanilang mga supporter.
-Clemen Bautista