PAGKATAPOS ng sunud-sunod na rollback ng presyo ng mga produktong petrolyo, mukhang susunod naman ang price hike o pagtataas ng halaga ng mga ito. Kaugnay nito, may mga ulat na mahigit sa 400 gas stations ang nagpataw na ng mataas na buwis bunsod ng bagong Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.
Dahil dito, nagsasagawa ngayon ang Department of Energy (DoE) ng pagsusuri at pagmamanman sa mga gas station kung nagpataw na ba sila ng buwis gayong kailangan muna ang inventory ng kanilang fuel products o kung hindi pa ubos ang fuel na nabili nila nang mura.
Ayon sa DoE-Oil Industry Management Bureau (OIMB), tumanggap sila ng mga report na 444 retail stations ang nagpatupad na ng Second Tranche on oil (TRAIN Law 2). Sa nasabing 444 stations, ang 369 outlets ay mula sa Petron Corp., 46 ang mula sa Pilipinas Shell Petroleum Corp., at 29 ang mula sa Flying V.
Nag-isyu ang DoE ng “show cause order” sa 444 gas stations at pinagpapaliwanag kung bakit nagpataw na ang mga ito ng bagong buwis gayong kailangan munang ubusin ang mga fuel na nabili nang mura. Ayon sa DoE-OIMB, tanging ang bagong inventories na direktang inangkat sa ibang bansa o locally produced ng refineries, ang saklaw ng Second Tranche ng excise tax.
oOo
Sinabi ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na lumilikha ang illegal drugs o shabu ng mga adik at kriminal. Dahil dito, ang mga human rights advocate na salungat sa drug war ay maituturing na “kaaway ng Estado”.
Badya ng Pangulo: “Itinuturing ng human rights advocates ang gobyerno bilang kaaway. Gusto nilang sirain ang pamahalaan. Okay lang ito.” Dagdag ni Mano Digong sa wikang English: “But you take note of the innocent people killed by criminals. Filipinos have become slaves, why? They are slaves to a drug called shabu. And they need it every day. And by the end of the day, they become inutile.”
Komento ng aking kaibigan: “Eh paano naman ‘yung mga inosenteng tao na napapatay o nadadamay sa pamamaril ng mga pulis sa kanilang operasyon, nasaan ang hustisya para sa kanila?”
Siyanga naman. Bagamat malaking porsiyento pa rin ng mamamayan ang kumporme sa adbokasiya ni PRRD na sugpuin ang illegal drugs sa bansa, nababahala naman sila sa umano’y extra judicial killings (EJKs) o pagpatay ng mga pulis sa walang malay na mamamayan.
oOo
Mahalaga pa rin sa mga Pinoy ang kalusugan ni PDu30. Nais nilang maging malusog at malakas pa siya hanggang sa katapusan ng termino. Gayunman, 66% ng mamamayan ang nababahala sa kanyang kalusugan, batay sa survey ng Social Weather Stations (SWS). Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, natutuwa ang Malacañang sa pag-aalala ng mamamayan sa kalusugan ng Pangulo. Tiniyak niyang malusog at walang sakit na malubha si Mano Digong.
oOo
May mga nagtatanong kung ang Pilipinas ba ngayon ay isa ng “Bansa ng Mga Biro”? Tinatanong nila ito bilang reaksiyon sa mga paliwanag at pagtatanggol ni Panelo na nagbibiro lang ang ating Pangulo kapag may pahayag itong medyo kontrobersiyal.
-Bert de Guzman