HINDI maganda ang naging pagpasok ng taon para sa mga guro sa unang bahagi ng buwang ito nang mapaulat ang pangangalap ng mga pulis ng listahan ng mga miyembro ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) sa mga paaralan sa bansa. Ang ACT ay isang militanteng organisasyon na nagsusulong hindi lang ng kapakanan ng mga guro kundi ng mga usaping tulad ng karapatang pantao at reporma sa lupa. Mabilis na pinayapa ng Philippine National Police (PNP) ang mga guro matapos nitong suspendehin ang mga opisyal na nagpasimula ng hakbangin.
Sinigurado ni Presidential Spokesman Salvador Panelo sa mga guro na walang anumang hakbangin ang PNP laban sa mga guro sa bansa, lalo dahil si Pangulong Duterte mismo, aniya, “loves teachers and has promised to double their salaries”. Nitong Biyernes, kinumpirma ng Pangulo na makatatanggap ng umento ang mga guro ngayong taon.
Matagal nang hinihintay ng mga guro ang pangakong dagdag-sahod, simula nang lagdaan ni Pangulong Duterte, bilang pagtupad sa kanyang ipinangako noong nangangampanya pa sa pagkapangulo noong Mayo, 2016, ang Joint Resolution 18 na pinagtibay ng Kongreso at nagtatakdang umento para sa 172,000 sundalo at 170,000 pulis sa bansa.
Tiniyak sa iba pang mga empleyado ng gobyerno na makatatanggap din ang mga ito ng dagdag-sahod, bagamat wala pang sapat na pondo ang pamahalaan. Ang mga guro pa lang sa bansa ay nasa 600,000 na; kung dodoblehin ang kanilang sahod ay kakailanganin ng pamahalaan ang mahigit P300 bilyon, ayon sa Department of Budget and Management (DBM).
Pinangunahan ng Pangulo nitong Huwebes ang inagurasyon ng Gen. Gregorio del Pilar National High School sa Bulacan, kung saan niya nakadaupang-palad ang mga guro at inanyayahan niya ang mga ito na puntahan siya sa Malacañang para sa isang dayalogo, kasama nina Education Secretary Leonor Briones, at Budget Secretary Benjamin Diokno. “Then we can make an agreement or manifesto or choose whatever kind of document,” aniya. “Kayo ang isusunod ko this year.”
Nariyan ang mga opisyal ng pamahalaan para tumugon. Matatanggap sana ng mga guro ang kanilang dagdag-sahod kasabay ng mga sundalo at pulis noong Enero 2018, kung mayroon lang sapat na pondo ang pamahalaan. Makalipas ang isang taon, ngayong Enero 2019, maaaring nakaisip na ng paraan ang gobyerno para maisakatuparan ang matagal nang nabimbin na dagdag-sahod sa mga guro, ang tagapaghubog ng kabataan, kung kanino nakasalalay ang kinabukasan ng ating bayan.