“PAGKATAPOS ng mga pulis at sundalo, ang mga guro na ang susunod na itataas ko ang sahod. Sisigurihin ko na kayo na ang susunod. Napakarami ninyo,” wika ni Pangulong Duterte sa kanyang talumpati sa Bulacan, Bulacan nitong nakaraang Hwebes sa groundbreaking ceremony ng Gen. Gregorio del Pilar National High School sa Barangay Sta. Ana.
Payag daw siyang makipagkita sa mga kinatawan ng mga guro sa Malacañang para gumawa ng kasunduan sa harap ni Education Secretary Leonor Brones. “Kayo ang mamimili ng araw nitong Enero. Bilisan ninyo para gumawa tayo ng kasunduan o manifesto, kayo ang mamili kung anong klaseng dokumento,” dagdag pa ng Pangulo.
Pero ayaw daw niyang makipagkita sa mga guro na kaalyado ng leftist group. Hindi umano niya sila gusto. Sinasabi nila na hindi sila komunista, pero sino ang kanilang niloloko?
Sa tinurang ito ng Pangulo, mahirap nang ikaila na sa kanyang instruksyon lumabas ang memorandum na nag-aatas sa mga pulis na gumawa ng imbentaryo ng lahat ng guro na kasapi ng Alliance of Concerned Teachers (ACT). Mamimili kaya ang Pangulo kung sinu-sino ang bibigyan ng kanyang ipinangakong umento?
Sa parehong okasyon, pinagbantaan niyang papatayin ang mga nagpapautang ng 5-6 na madalas na tinatakbuhan ng karamihan sa mga guro kapag may pinansiyal silang problema. Sinabi ng Pangulo na alam niya ang sistemang ito, dahil ang ina niya ay retired school supervisor.
“Kung hindi ko mapapatay ang sistema, marahil mapapatay natin ang mga nagpapautang ng 5-6. Mas madali ito, patuloy na dinadagan nila ang inyong utang, kaya kayo ay alipin na nila,” sabi pa ng Pangulo.
Kinabibilangan ng mga guro at batang mag-aaral ang kanyang mga tagapakinig nang sabihin niya ito.
Nang mangako siyang uumentuhan ang suweldo ng mga guro, mayroon pa palang hindi naibibigay sa kanila na bahagi ng itinaas na sahod dati ni Pangulong Noynoy.
Sa ilalim ng Execute Order No. 201, na nilagdaan ng dating Pangulo noong Pebrero 2016, ang mga guro at iba pang sibilyang empleyado ng pamahalaan sa Ehekutibo, Lehislatura at Hudikatura ay binigyan ng umento. Kaya lang, hindi biglaan kundi hinati sa apat na bigayan. Ang huling bigayan ay dapat tinanggap na ng mga guro noong Enero 1, 2019.
Ang problema, ayon sa Department of Budget and Management (DBM), sa Pebrero pa ito ire-release. Nanawagan na ang mga mambabatas kay Pangulong Digong na i-release na ito. “Kung uumentuhan ang sahod ng mga guro, nasa Pangulo na ito. Pero, mayroon man ito o wala, ang huling bahagi ng umento ay darating,” wika ni Education Secretary Briones.
Kaya ang maliwanag, pinangakuan ng Pangulo ang mga guro ng panibagong umento gayong hindi pa nakukumpleto ang umentong nauna nang ibinigay sa kanila.
May remedyo ang Pangulo para sa problema ng mga guro sa napakalaking tubo ang ibinabayad nila sa nagpapautang sa kanila. Kung hindi patayin ang sistema ng 5-6, iyong mismong nagpapautang ang papatayin. Si Pangulong Digong pa mismo ang papatay.
Ang ikinatataas ng approval rating ng Pangulo ay dahil alam niya ang problema ng taumbayan, ang inilalapat niyang panlunas ay shortcut sa proseso na akala ng kanyang pinagsasabihan ay madaling gawin. Kaya siya galit sa mga gurong kasapi ng ACT ay dahil hindi mapaniwala ng Pangulo ang mga ito.
-Ric Valmonte